MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Sen. Erwin Tulfo, chiar ng Senate panel on foreign relations, na magkakaroon siya ng diyalogo kay Chinese Ambassador Jing Quan sa Lunes.
Sinabi ni Tulfo sa mga reporter noong Biyernes na inayos ito ng Department of Foreign Affairs (DFA).
“Yes. Confirming this. It was arranged by the Department of Foreign Affairs. Thank you,” ani Tulfo.
Hindi nagbigay ng detalye si Tulfo tungkol sa lugar o dadalo sa pulong.
Ayon kay DFA spokesperson sa maritime affairs Rogelio Villanueva Jr., tinatanggap ng ahensya ang kahandaan ng Senado na makipagpulong sa Chinese embassy sa Manila at handa ang DFA na magbigay ng suporta kung hihilingin.
Noong nakaraang linggo, 15 senador mula sa iba’t ibang partido ang pumirma sa Senate Resolution No. 256 na kinondena ang mga pahayag ng Chinese embassy na kritikal sa mga opisyal ng Pilipinas at posisyon ng bansa sa karapatang maritime at national sovereignty.
Ayon sa resolusyon, ang tono ng Chinese embassy ay taliwas sa “restraint, courtesy, and responsibility” na inaasahan sa diplomatikong komunikasyon at sa prinsipyo ng mutual respect at non-interference ng mga estado.
Kasabay nito, naghain din ang Chinese Embassy ng diplomatic protest laban kay Commodore Jay Tarriela, Philippine Coast Guard spokesperson, dahil sa diumano’y paglapastangan sa dignidad ni Chinese President Xi Jinping, matapos mag-post si Tarriela ng larawan na tila AI-generated na imahe ni Xi. RNT/MND