Home HOME BANNER STORY Sen. Jinggoy, Joel idinawit ng DPWH engineer sa flood control anomalies

Sen. Jinggoy, Joel idinawit ng DPWH engineer sa flood control anomalies

348
0

MANILA, Philippines – Inihayag ni Bulacan 1st District assistant engineer Brice Ericson Hernandez nitong Martes na may ilang senador na sangkot umano sa iregularidad sa flood control projects.

Kabilang sina Senators Jinggoy Estrada at Joel Villanueva sa nabanggit kasama sina DPWH 1st District Engineer Henry Alcantara and Undersecretary Robert Bernardo.

“Sabi ni Senador (Rodante) Marcoleta kahapon, ‘ligtas ka na’ (na ipinatungkol kay senador Jinggoy Estrada), hindi po ito totoo,” sabi ni Hernandez sa kanyang pahayag sa house probe.

“Si Senador Jinggoy Ejercito Estrada, senator Joel Villanueva, Usec. Robert Bernardo at DE Alcantara. Si Senator Jinggoy po ay nagbaba ng P355 milyon sa ilang projects sa Bulacan, at ang sabi ng boss ko rito ay 30% ang commitment para rito,” dagdag ni Hernandez.

Kabilang sa mga flood control project tinutukoy ni Hernandez ay matatagpuan sa Hagonoy, Calumpit, at Malolos sa Bulacan.

“Noong 2023 naman ay naglabas ng P600 milyon (proyekto) si senator Joel Villanueva at ang SOP nito ay 30%,” dagdag pa ni Hernandez.

Kabilang rito ang mga proyekto na matatagpuan sa Bocaue at Balagtas, Bulacan.

“Si DE Alcantara namin ang masasabing chief implementor, siya po ang kumakausap sa lahat ng politiko ng involve rito. Atleast 3% po siya sa lahat ng projects na dumadaan sa’min. At sinasabi pa niya sa mga contractor na kung gusto nila ng mas maraming project ay magbigay sa kanya ng 2%, bilang finders fee daw,” pagtatapos ni Hernandez sa pagababasa ng kanyang written statement.

Ginawa niya ang pahayag sa pagdinig ng House Infrastructure Committee at nanawagang huwag na siyang ibalik sa Senado.

“Puwede po bang ‘wag ninyo na kong ibalik sa Senate… kasi may mga involved pong senador dito,” aniya.

Noong Lunes, idineklara ng Senate Blue Ribbon Committee si Hernandez na in contempt matapos niyang paulit-ulit na itanggi ang umano’y koneksyon sa mga casino ventures. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here