Home METRO 11-anyos, yaya, 1 pa hinostage ng sekyu sa Caloocan

11-anyos, yaya, 1 pa hinostage ng sekyu sa Caloocan

259
0

ARESTADO ang isang security guard matapos gawing hostage ang tatlong katao, kabilang ang isang 11-anyos na batang lalaki, ang kanyang yaya, at isang 19-anyos na dalaga sa Caloocan City, Lunes ng umaga.

Sa ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Jerry Protacio kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director P/BGen. Anthony Aberin, pinasok ng sekyu na si alyas “Jessie” ang bahay ng mga biktima na kanyang kapitbahay sa Alibangbang St., Brgy. 179, Amparo, dakong alas-7:00 ng umaga. Armado siya ng kalibreng .38 revolver at agad na ginawang hostage ang tatlo.

Kaagad namang rumesponde sa lugar ang Caloocan City Police sa pangunguna ni P/Col. Joey Goforth. Hiningi ng suspek na ibalik siya sa trabaho at payagang makauwi sa kanilang lalawigan sa Mindanao.

Tumagal ang pangho-hostage hanggang ala-1:00 ng hapon bago nakumbinsi ni Col. Goforth ang suspek na pakawalan ang mga biktima at siya na lamang ang ipalit na bihag.

Sumang-ayon umano ang suspek matapos pangakuan na pagbibigyan ang kanyang kahilingan na get-away vehicle at isang armalite rifle.

Gayunman, nang palabas na ang suspek para sumakay sa get-away vehicle, nakakuha ng tiyempo ang mga naka-civilian na miyembro ng SWAT team at agad siyang dinamba hanggang maagaw ang hawak na baril.

Hindi alam ng mga pulis na may dala ring patalim ang suspek kaya nagawa nitong saksakin sa kamay ang isang pulis na umaagaw ng baril. Dahil dito, nabaril ng mga otoridad ang suspek na tinamaan sa paa at likod.

Isinugod sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium (DJNRMHS) ang sekyu, pati na ang yaya na nagtamo ng pinsala sa katawan matapos sipain ng suspek pababa ng hagdan bago pawalan, at ang pulis na nasaksak sa kamay. Dinala rin sa pagamutan si Col. Goforth matapos makaramdam ng paninikip ng dibdib.

Ayon sa ina ng suspek, desperado ang kanyang anak dahil sinibak ito sa trabaho matapos matuklasan na nagdadala siya ng ilegal na droga. (Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here