MANILA, Philippines – Dumalo si Pasig City Mayor Vico Sotto sa imbestigasyon ng House Infrastructure Committee hinggil sa flood control projects nitong Martes, isang araw matapos niyang balaan ang publiko laban sa mga pahayag ng mga kontratistang sina Curlee at Sarah Discaya ng St. Gerrard Construction.
Inakusahan ng mag-asawang Discaya ang ilang kongresista at opisyal ng DPWH ng paniningil ng komisyon mula sa mga kontrata, ngunit giit ni Sotto, nais lamang nilang maging state witness para makaiwas sa kulong. “We know they are capable of lying… The challenge is now how to sift through the half-truths and attempts to mislead us,” aniya.
Pinuna rin niya ang pahayag ng mga Discaya na 2% hanggang 3% lang ang kita nila o minsan ay lugi pa, gayong dati nilang sinabi na bilyonaryo na sila. “Who will dare do such a crime for a measly profit? Let us not fall for their attempt to get our sympathy,” dagdag niya.
Hindi dumalo at walang ipinadalang kinatawan ang mag-asawang Discaya sa House probe.
Samantala, pinayagan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na pansamantalang dumalo si dating Bulacan 1st District assistant engineer Brice Hernandez sa imbestigasyon ng Kamara hinggil sa iregularidad sa flood control projects nitong Martes, bilang paggalang sa inter-parliamentary courtesy.
Nauna nang idineklara ng Senate Blue Ribbon Committee si Hernandez na in contempt dahil paulit-ulit niyang itinanggi ang umano’y pagkakasangkot sa casino ventures. Inaprubahan noon ni dating Senate President Francis “Chiz” Escudero ang kanyang pag-aresto at pagkakakulong hanggang sa siya ay magbigay ng tapat na testimonya.
Ayon sa opisina ni Sotto, nakipag-ugnayan na ang Senado at Kamara para sa seguridad ni Hernandez, ngunit kinakailangan niyang bumalik agad sa Senate custody matapos ang pagdinig. RNT