Home TOP STORIES Sen. JV ginaya ‘bombastic pumps’ ng Navotas para maibsan pagbaha sa San...

Sen. JV ginaya ‘bombastic pumps’ ng Navotas para maibsan pagbaha sa San Juan

2
0

MANILA, Philippines – Ginaya ni Senador JV Ejercito sa panahon ng kanyang pamumuno bilang Mayor ng San Juan ang hakbang ng noo’y Navotas City Mayor at ngayo’y Rep. Toby Tiangco na maglagay ng mga pumping station at “bombastic pumps” sa mga istratehikong lugar upang tugunan ang patuloy na pagbaha sa mga mabababang barangay.

Ayon kay Ejercito, naging epektibo ang pagtugon ni Tiangco sa pagbaha sa Navotas, kung saan nasa 70 porsiyento ng lungsod ay below sea level, sa pamamagitan ng paglalagay ng mga pumping station sa mga estratehikong lokasyon.

“Ang Navotas, 70 percent diyan laging lubog kasi below sea level. Siya ‘yung naglagay ng mga bombastic pumps strategically. Ginaya namin ‘yon,” ani Ejercito, na tinutukoy si Tiangco.

Sinabi ni Ejercito na nakaranas din ng katulad na problema ang San Juan sa ilang mabababang barangay, kung saan maaaring manatili ang baha kahit ilang linggo nang walang ulan.

“Kasi nung mayor ako sa San Juan, may mga barangay diyan na ganun, basin din. Kasi minsan kahit wala, two weeks na walang ulan, baha pa rin kasi nga basin,” wika niya, na tinutukoy ang Barangays Balong-Bato, Salapan, Rivera, at Progreso.

Naalala ni Ejercito na dati ay nakararanas ang mga lugar na ito ng matinding pagbaha, kung saan umaabot sa 15 hanggang 20 talampakan ang lalim ng tubig.

Sinabi niyang tumugon ang lungsod sa pamamagitan ng paggaya sa estratehiya ng Navotas at pagtatayo ng mga pumping station sa mga lugar na ito, partikular sa mga matatagpuan sa tabi o malapit sa San Juan River.

“’Yung first namin Barangay Balong Bato na dati 15 feet ang lalim ng tubig diyan. ‘Yung Salapan, ‘yung Rivera, Progreso, nilagyan namin ng pumping stations lahat at naging maayos. Nawala ang baha sa San Juan,” paliwanag niya.

Sa gitna ng mga pag-ulan na dala ng southwest monsoon (habagat) at high tide sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ipinakita ng Navotas City ang kahalagahan ng pangmatagalang pamumuhunan sa imprastraktura para sa flood control.

Sa kabila ng malakas na pag-ulan, patuloy na gumagana ang navigational gate, coastal dike, at network ng mga pumping station ng lungsod para makontrol ang tubig-baha.

Nakatulong ang mga pasilidad na ito, na itinayo noong panahon ni Tiangco bilang alkalde at mambabatas, para maiwasang makapasok ang tubig-dagat sa mga komunidad tuwing high tide, habang pinadadali ang pag-agos ng tubig-ulan mula sa mga kalsada.

Ipinapakita ng pagiging epektibo ng mga istrukturang ito ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na pamumuhunan sa flood control infrastructure upang maprotektahan ang mga komunidad, kabuhayan, at buhay ng mga residente sa panahon ng malalakas na pag-ulan at high tide. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here