Manila, Philippines – DINALUHAN ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino ang pagpapasinaya sa pinakamalaki at pinakamataas na bagong Barangay Hall sa Ermita, Maynila kasabay ng pamamahagi ng Assistance to Individual in Crisis Situation (AICS) na ginanap sa basketball court ng naturan ding barangay.
Nabatid kay Sen. Tolentino na umabot sa 750 benepisyaryo na pawang mga senior citizen, persons with disability (PWD), at solo parents na naninirahan sa naturang barangay ang tumanggap ng tig-P2,000 mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na napondohan ng kanyang tanggapan.
Kasabay ng pamamahagi ng AICS ang pagpapasinaya sa pinakamalaki at pinakamataas na limang palapag na gusali ng bagong Barangay Hall sa Barangay 667 Zone 72 sa Arquiza St. sa Ermita, na pinamumunuan ni Barangay Chairwoman Margarita Mendoza-Clemente.
Ayon kay Tolentino, ito lang ang kaisa-isang barangay hall sa buong Maynila na mayroong elevator matapos niyang buhusan ng pondo ang pagpapatayo nito sa kahilingan na rin sa kanya ni Manuel “Noli” Mendoza, ang Chairman Emeritus ng barangay at ama ng kasalukuyang Kabesa.
Sa panayam kay Sen. Tol, nagpahayag ito na pabor na mabigyan ng kaukulang pondo ang Ayuda sa Kapos and Kita Program (AKAP) na aniya ay makakatulong sa mga mamamayan na hindi sapat ang kita para sa pang araw-araw na gastusin.
Nilinaw naman ng senador na kung mayorya sa kanyang mga kasamahang mambabatas ang tutol na lagyan pa ng pondo ang naturang programa, susunod siya sa kagustuhan ng lahat at hindi na magtatangka pang makipagtalo sa mga kasamahan.
Samantala, pinasalamatan naman ni Chairwoman Clemente at Chairman Emeritus Noli Mendoza ang Senador na matagal na nilang kaibigan at dati na rin nanirahan sa kanilang barangay. RNT