“HUWAG na nilang (China) i-claim yung Palawan, hindi naman talaga sa kanila yun,”
Ito ang iginiit ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino kasabay ng kanyang pahayag na mali at walang katotohanan ang ipinapakalat ng Chinese social media na Rednote, na kung saan ay sinasabing bahagi ng China ang Palawan.
”Ayusin na lang muna nila yung lugar nila, sobra na yun, hindi naman talaga sa kanila (China) yung Palawan,” ani Tolentino nang makapanayam ng mga mamamahayag bago nila simulan ang kanilang convoy para sa gagawing motorcade sa ilang bahagi ng Binondo at Tondo nitong Sabado ng hapon.
Ayon pa kay Sen. Tolentino, kabilang sa Region 4B o MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) ang Palawan at hindi bahagi ng China tulad ng ipinakakalat sa Chinese social media na dapat daw ibalik ito sa kanilang bansa dahil ang orihinal na pangalan ng isla ay “Zheng He Island” na hinango sa bantog na Chinese explorer noong 14th century.
Kaugnay nito, umapela rin si Tolentino kay Transportation Secretary Vince Dizon at sa Toll Regulatory Board (TRB) na suspendihin na rin muna ang toll hike na ipatutupad ngayong Linggo, Marso 2, sa North Luzon Expressway (NLEx).
Ayon kay Tolentino, sinuspindi na rin lang ni Secretary Dizon ang sistema ng cashless collection ng toll na inilarawan ng kalihim na “anti-poor” kaya dapat ay suspendihin na rin ang toll increase. RNT