MANILA, Philippines- Nakatakdang palawakin ng Department of Education (DepEd) ang sporting landscape para sa mga kabataang Pilipinong atleta sa pamamagitan ng pagpapakilala sa weightlifting, pole vault para sa secondary girls, at pencak silat sa 65th Palarong Pambansa, nakatakda sa May 24 hanggang 31, sa Ilocos Norte.
Inanunsyo ito ni Education Secretary Sonny Angara sa isinagawang opening ceremony ng Cordillera Administrative Region Athletic Association (CARAA) Sports Meet, binigyang-diin ang commitment sa ‘grassroots sports development.’
“In the upcoming Palarong Pambansa, we will have weightlifting for the first time, with no less than Olympic gold medalist Hidilyn Diaz as our resource person,” ang sinabi ng Kalihim.
“Maswerte po ang ating mga learner-athletes. It is your chance to try out these sports,” dagdag ni Angara.
Ayon sa DepEd, ipakikilala ang weightlifting bilang isang demonstration sport, habang ang pole vault para sa secondary girls ay magiging regular event sa palakasan.
Ang Pencak silat, isang Southeast Asian martial art, ay magiging full-fledged sport matapos maging demonstration event mula noong 2017.
Ang pagkakasama ng weightlifting sa pangunahing school-based sports competition sa bansa ay tanda ng mahalagang milestone para sa isport, isang hakbang na matagal ng itinataguyod ni Hidilyn Diaz, kauna-unahang Olympic gold medalist ng bansa.
“I have long hoped for my sport to once again be part of the biggest national sporting event for student-athletes in the Philippines. Now, it’s finally happening,” ayon kay Diiaz.
Nagpasalamat naman si Diaz sa suporta at tulong mula kina Angara, Palarong Pambansa Board, at sa Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP).
Ang tagumpay ni Diaz sa Tokyo 2020 Olympics ang naglatag ng kanyang katayuan bilang isang national icon, at ang kanyang pagkakaugnay sa Palarong Pambansa ay inaasahan na magsisilbing inspirasyon sa bagong henerasyon ng mga Filipino weightlifter.
Ang naging desisyon aniya na idagdag ang pole vault para sa secondary girls at weightlifting ay kasunod ng ilang buwan na deliberasyon sa pagitan nina Angara, Diaz, at world No. 4 pole vaulter EJ Obiena, kapwa naging kampeon na maisama ang kani-kanilang disiplina sa Palaro.
“Last year, Sec. Angara met with Diaz and Obiena on separate occasions to explore the possibility of including their proposed events in the Palaro,” ayon sa DepEd.
“Months later, their vision is set to become reality,” dagdag ng departamento.
Idagdag pa sa weightlifting, sinabi ng DepEd na ang pole vault, at pencak silat, kickboxing ay ipakikilala bilang exhibition sport, karagdagan para pagiba-ibahin ang Palarong Pambansa lineup.
Ang 2025 Palarong Pambansa ay iho-host ng Provincial Government ng Ilocos Norte.
Inaasahan na makatitipon ng 15,000 kalahok mula sa 18 delegasyon kabilang na ang National Academy of Sports. Kris Jose