Home HOME BANNER STORY Sen. Tolentino: Motorcycle rider, backrider ‘wag itratong kriminal

Sen. Tolentino: Motorcycle rider, backrider ‘wag itratong kriminal

MANILA, Philippines- Isinusulong ni Sen Francis “Tol” Tolentino na amyendahan ang mga probisyon ng RA 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act para gawin itong non-discriminatory, pantay at patas sa mga motorcycle riders at backriders.

Ang Senate Bill 2555 sa ilalim ng Committee Report No. 11235 na inisponsoran ng awtor na si Tolentino, kasama si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa bilang co-sponsor at co-author, ay dumaan sa masusing pagtalakay sa Senate noong nakaraang linggo.

Pinagtibay ang RA 11235 ng 17th Congress upang mapigilan ang mga motorsiklo na magamit sa krimen sa pamamagitan ng paglalagay ng mas malaki, mas madaling mabasa, color-coded na plaka at identification marks, bukod sa iba pa.

Layon nitong maprotektahan ang publiko mula sa mga kriminal na gumagamit ng motorsiklo at upang mas madaling makilala ang gumagamit nito sa iba’t ibang krimen.

Nagpapataw din ito ng mas mahigpit na alituntunin at regulasyon sa mga may-ari, rider ng motorsiklo at iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno tulad ng Land Transportation Office (LTO) at  Philippine National Police (PNP).

Gayunman, ikinalungkot ni Tolentino na ang RA 11235 sa ilalim ng kasalukuyang setup, ang driver at backrider ng motorcycle riding-in-tandem ay agad na tinatrato bilang mga hinihinalang kriminal.

Aniya, ang mga amyenda na ipinasok sa RA 11235 ay hindi na ituturing na mga kriminal ang mga driver at backriders ng motorsiklo.

“We will be amending Section 7 of RA 11235, wherein a plate number will no longer be needed for the front of the motorcycle, and in lieu thereof, an RFID (radio frequency identification) sticker would be required,” pagbabahagi ni Tolentino.

Ani Tolentino, ang RFID ay naglalaman ng numero ng makina, numero ng chassis, at iba pang pagkakakilanlan ng sasakyan, na hindi magkakaroon ng karagdagang gastos sa bilang ng mga plaka ng motorsiklo.  

Subalit, isang motorcycle gun scanners ay dapat gamitin upang basahin ang RFID sa panahon ng mga checkpoint at legal na stop-and-frisks.

Gayundin, sinabi ni Tolentino na dapat ding iamyenda ang Seksyon 11 ng parehong batas, na nagbabawas sa multa na mula P20,000 o hindi hihigit sa P50,000 tungo sa multang hindi hihigit sa P5,000. Aalisin din ang probisyon ng pagkakulong.

Ang isa pang amyenda na kanyang ipinakilala ay sa Seksyon 12, na tumatalakay sa pagbura, pakikialam, at pamemeke ng plate numbers sa kasalukuyang batas. Ibababa ang multa mula sa maximum P100,000 hanggang P10,000;  ang parusa sa prison mayor ay ibababa sa 6 buwang pagkakulong, at ang multa ay bababa rin sa P10,000.

Hinggil sa paggamit ng mga nakaw na readable number plates sa Section 13, ang multa ay ibinababa sa P10,000 mula sa maximum na P100,000, at ang parusang prision mayor sa nagkasala ay tinanggal din.

Sinabi ni Tolentino na ang backlog sa paghahatid ng LTO ng 9,060,391 motorcycle plates noong Marso 07, 20249, ay naging dahilan upang hindi ipatupad ng ahensya ang RA 11235. RNT

Previous articleMahal na Araw sasabayan ng pagmahal ng oil price
Next articlePAGASA: Summer season simula na!