Home NATIONWIDE Mahal na Araw sasabayan ng pagmahal ng oil price

Mahal na Araw sasabayan ng pagmahal ng oil price

MANILA, Philippines- Paghandaan na ng mga motorista ang malakihang dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo sa susunod na linggo kasabay ng pagdiriwang ng Semana Santa.

Batay sa internasyonal na kalakalan ng petrolyo sa nakalipas na apat na araw, tinatayang tataas ng nasa P1.45 hanggang P1.75 kada litro ang diesel, P2.20 hanggang P2.40 kada litro ang
gasolina, at P1.40 hanggang P1.50 sa kada litro naman ng kerosene.

Karaniwang nag-aanunsyo ang mga kompanya ng langis ng mga pagsasaayos sa presyo ng petrolyo tuwing Lunes, na ipatutupad sa susunod na araw.

Matatandaang epektibo nitong nakaraang Martes, Marso 19, nagpatupad ang mga kompanya ng langis sa bansa ng dagdag-presyo na P0.10 sa kada litro ng gasolina at bawas-presyo naman na P0.10 sa kada litro ng diesel, habang wala namang paggalaw sa presyo ng kerosene

Ang pinakahuling paggalaw ay nagdala ng year-to-date adjustments upang tumayo sa net increase na P3.70 kada litro para sa diesel at P5.55 kada litro para sa gasolina, habang ang kerosene naman ay may year-to-date na pagbaba ng P0.25 kada litro.

Sa Metro Manila, mula P55.70 hanggang P74.60 kada litro ang umiiral na retail prices ng gasolina, diesel mula P57.05 hanggang P62.30 kada litro, at kerosene mula P73.16 hanggang P73.42 kada litro, ayon sa pinakabagong data mula sa pagsubaybay sa presyo ng Department of Energy (DOE). JAY Reyes

Previous article29.4K magsasaka, mangingisda apektado ng El Niño
Next articleSen. Tolentino: Motorcycle rider, backrider ‘wag itratong kriminal