Home TOP STORIES Sen Villar isinusulong libreng HMO coverage sa lahat ng kawani ng gobyerno

Sen Villar isinusulong libreng HMO coverage sa lahat ng kawani ng gobyerno

2
0

Isinusulong ni Senador Mark Villar ang obligadong libreng Health Maintenance Organization (HMO) coverage para sa lahat ng kawani ng pamahalaan upang mapalawak ang kanilang access sa serbisyong pangkalusugan at maprotektahan sila at kanilang mga pamilya laban sa mabibigat na gastusin sa pagpapagamot.

“Ang ating mga kawani ng pamahalaan ay mahalagang katuwang sa pagsusulong ng kaunlaran at paghahatid ng serbisyo publiko. Nararapat lamang na matiyak ang kanilang kalusugan at kapakanan, lalo na sa panahon ng pagkakasakit at mga medikal na emergency,” ani Villar.

Bagama’t nagbibigay ng health insurance ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), sinabi ni Villar na maaaring hindi nito masagot nang buo ang gastos sa pagpapaospital, pagpapagamot at iba pang pangangailangang medikal. Dahil dito, may mga kawani pa ring kailangang gumastos mula sa sariling bulsa.

Sa ilalim ng panukala ni Villar, gagawing regular na benepisyo ng mga kawani ng pamahalaan ang libreng HMO coverage na maaaring magbigay ng karagdagang access sa konsultasyon, preventive care at iba pang serbisyong medikal.

Layunin din nitong mabawasan ang pinansiyal na pasanin ng mga kawani kapag may biglaang gastusing medikal at mahikayat silang magpakonsulta at magpagamot nang mas maaga.

Sa kasalukuyan, may umiiral nang Budget Circular No. 2024-6 ang Department of Budget and Management (DBM) na nagbibigay ng taunang medical allowance na hanggang P7,000 sa mga kwalipikadong kawani ng pamahalaang sibil para sa HMO-type benefits.

Sa ilalim naman ng Ginhawa Health Assistance Loan (G-HEALTH), maaaring makautang nang walang interes ang mga kwalipikadong miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS) para pambayad sa kanilang HMO premiums.

Gayunman, nais ni Villar na magkaroon ng mas pangmatagalang sistema sa pamamagitan ng paggawa sa libreng HMO coverage bilang obligadong benepisyo, sa halip na umasa lamang sa limitadong allowance o pautang na kailangan ding bayaran.

Binigyang-diin ng senador na mahalagang mapangalagaan ang kalusugan ng mga lingkod-bayan upang patuloy nilang magampanan nang maayos ang kanilang tungkulin.

“Ang pangangalaga sa kalusugan ng ating mga lingkod-bayan ay pamumuhunan sa kinabukasan ng ating bansa. Kapag may maaasahan silang serbisyong pangkalusugan, mas makapagtutuon sila sa kanilang tungkulin sa taumbayan,” pagtatapos ni Villar. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here