MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Senate President Sherwin Gatchalian na muli nang pinapayagang makapasok ang mga bisita sa Senado, kahit nananatili itong nasa ilalim ng heightened security alert.
Ipinatupad ang mahigpit na seguridad noong Hunyo 4 matapos makatanggap ng ulat tungkol sa umano’y banta sa Senado. Dahil dito, pansamantalang ipinagbawal ang pagpasok ng mga bisita.
Ayon kay Gatchalian, papayagan na ang pagpasok ng mga bisita sa pamamagitan ng Visitor Management System (VMS) ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA).
“The Senate will now allow the entry of visitors, in accordance with the Visitor Management System (VMS) implemented by the OSAA,” ani Gatchalian.
Kasama sa mga ipinatutupad na hakbang ang tuloy-tuloy na inspeksyon sa mga pasukan, pagpapakita ng wastong ID, regular na pagpapatrolya, at iba pang security measures.
Ang VMS ay isang online registration system para sa mga hindi empleyado ng Senado na nais pumasok, at kinakailangang maaprubahan ng opisinang kanilang bibisitahin.
Patuloy ring makikipag-ugnayan ang Senado sa mga law enforcement at security agencies upang mapanatili ang seguridad.
“Our goal is clear: to ensure the safety of senators, staff, media, visitors to the Senate, and the public,” dagdag ni Gatchalian. RNT/MDS