Isa nang normal na pangyayari ang lahat ng usapan, tsismis man o dokumentado, ng kudeta sa kasalukuyang liderato bago magsimula sa pamamahinga ng sesyon, ayon kay dating Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri.
Ipinahayag ito ni Zubiri, pinakahuling pinatalsik bilang lider ng Senado noong Mayo, matapos kumalat ang tsimis na gustong agawin ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada ang liderato kay Senate President Francis “Chiz” Escudero.
“Talagang may mga usap-usapang ganyan sa dulo ng mga session days bago mag-break. So it’s a normal occurrence,” ayon kay Zubiri sa Kapihan sa Manila Bay forum.
Binanggit din niya ng ilang pangyayari sa panahon ng kanyang pamumuno hinggil sa kudeta na Ipinalutang bago magkaroon ng session break na gustong palitan siya ni Estrada na hindi natuloy dahil kapos sa boto at tila ayaw ng Palasyo.
“Noong ako po’y nakaupo bilang Senate President, noong Christmas break of 2023, may ganyan din na usap-usapan. Pagdating po ng February, ganoon din ang nangyari, may usap-usapan na ganoon. And, of course, you know, everything has its history, once we got back in April before the May break,” ani Zubiri.
Pero sa kabila nang panibagong tsismis na kumikilos ulit si Estrada na patalsikin si Escudero katulong ang isang senador, wala umano siyang nalalaman sa pagtatangkang pagpapalit ng liderato.
“Wala naman akong nakitang papel, wala naman kumausap sa akin, wala naman akong napirmahan ng papel na request for leadership change. So as far as I’m concerned, that’s all rumors at this point in time,” ayon kay Zubiri.
“Sabi nga ni Senator Chiz, these are rumors until the numbers are shown to me. So, I’d rather not comment. I don’t want to add fuel to the fire. Last day na namin today, we’d like to focus on the issues at hand, the bills at hand,” dagdag niya.
Dalawang beses nang lumutang ang pangalan ni Estrada, anak ni dating Pangulong Joseph Estrada na napatalsik sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment court noong 2002.
Nakatakdang mag-adjourn ang sesyon simula September 27 hanggang Nobyembre 3.
Sa ambush interview, ipinagkibit-balikat naman ni Escudero ang kumakalat na tsismis na aagawin ni Estrada ang liderato dahil mananatiling tsismis ang pagkilos hangga’t hindi nangyayari.
Tumangging magbigay ng komento si Escudero dahil pinabulaanan ng ilang senador kabilang si Estrada ang tangkang pang-aagaw ng puwesto.
“We will remain here until we enjoy the confidence of the majority. It is that simple,” ani Escudero. Ernie Reyes