MANILA, Philippines – Nag-isyu ng subpoena ang Senate Blue Ribbon sub-committee nitong Lunes, Oktubre 28 kina retired police colonel Royina Garma, retired police colonel Edilberto Leonardo, at dating Customs bureau intelligence officer Jimmy Guban, kasama ang iba pa upang tumestigo sa isinasagawang imbestigasyon sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Ngayong araw, dumalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa imbestigasyon ng Senate panel.
Isinagawa ni Sub-committee chairperson at Senate Minority Leader Koko Pimentel ang mosyon sa pag-iisyu ng subpoena matapos na mapuna ng kaalyado ni Duterte na si Senador Ronald dela Rosa ang hindi pagdalo ng mga indibidwal na naunang tumestigo sa House QuadCom probe ng drugs war.
“We have to require their presence here. I can only surmise that they don’t want their statement given before the House of Representatives to be debunked before this body,” ani Dela Rosa.
“Ayaw nila lumabas ang katotohanan kapag ayaw nila pumunta rito,” dagdag pa niya.
Sumagot naman si Pimentel at sinabing, “I move to issue by subpoena ad testificandum to all those invited but did not attend.”
Ani Pimentel, si Garma lamang ang may valid excuse dahil siya ay sumasailalim sa gamutan.
Samantala, sinabi ng secretariat ng panel na si Leonardo naman ay tinamaan ng COVID-19.
Matatandaan na tumestigo si Garma at sinabing pinahanap siya ni Duterte ng opisyal na magpapatupad ng Davao model ng war on drugs sa buong bansa at mayroong pabuya sa bawat mapapatay na drug suspects.
Itinanggi ni Duterte ang naturang paratang.
Ganito rin ang sinabi ni Leonardo at sinabing naririnig niya ang tungkol sa reward system sa mapapatay na mga suspek.
Para kay Guban, tumestigo ito sa House QuadComm na nalaman niya ang tungkol sa multi-bilyong pisong shabu shipment na nasamsam noong 2018 ay pagmamay-ari nina Davao City Rep. Paolo Duterte, asawa ni Vice President Sara Duterte na si Mans Carpio, at dating presidential economic adviser Michael Yang.
“Huwag ka matakot kasi sila Mans Carpio, Pulong Duterte at Michael Yang ang may-ari ng shipment,” sinabi ni Guban. RNT/JGC