Home NATIONWIDE Senate probe sa POGO, tatapusin sa susunod na linggo – Hontiveros

Senate probe sa POGO, tatapusin sa susunod na linggo – Hontiveros

MANILA, Philippines – Pagkataposng 19 buwan na may 15 pagdinig, nakatakda nang isarado ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang imbestigasyon sa sinasabing criminal at iregularidad na kinasasangkutan ng Philippine offshore gaming operators (POGOs).

Inihayag ito ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros, chairman ng komite nitong Huwebes, Nobyembre 21 na nagtatakda sa ika-16 pagdinig bilang kahuli-huling pagpupulong na itinakda sa Nobyember 26 sa gitna ng bagong impormasyon sa pang-eespiya ng Chinese government sa bansa.

Sinimulan ni Hontiveros ang pagdinig noong Abril 19, 2023.

“May bagong impormasyon po tayong nakalap, lalo na sa pagkakaroon ng mga espiya ng Tsina dito sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga POGO, ayon kay Hontiveros sa Kapihan sa Senado.

“Sa next hearing, ilalahad po natin yung mga reporma sa batas na kailangan isulong dito sa Senado dahil sa napakaraming iregularidad at policy gaps na nakita natin sa pagkalat ng POGO at ng mga kaakibat nitong krimen,” dagdag niya.

Ilan sa repormang irerekomenda ng lupon ang paghihigpit sa proseso sa pagkuha ng birth certificates upang maiwasang maulit ang kaso ni dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo.

Kabilang sa rekomendasyon ng Senado ng pagtugon ng gobyerno sa biktima ng POGO at nawalan ng trabaho sanhi ng pagsasara nito at kung paano maiiwasan na gamitin ang lupaing pang-agraryo sa hindi pang-agrikulturang Gawain tulad ng nilusob na POGO sa Porac, Pampanga.

Nilinaw din ni Hontiveros na nakatakda pang humarap si Guo sa huling pagdinig. Ernie Reyes