MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senador Sherwin Gatchalian na paiigtingin ang imbestigasyon sa posibleng pagkakasangkot ng ilang bangko at iba pang financial institution sa kasong money laundering kaugnay ng ilegal na aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Inihalimbawa ni Gatchalian ang bakit nabigo ang bangko na imbestigahan ang P7 bilyon na halaga ng transaksiyon na nagbigay-daan kay dating Bamban Mayor Alice Guo at kasamahan na magtayo ng POGO hub sa Bamban.
“Paano naipasok ang P7 bilyon na hindi dinedeklara ng bangko at hindi nade-detect ng AMLC?” ani Gatchalian. Ang naturang halaga ay ang sinasabing perang ginamit sa pagpapatayo ng POGO hub sa Bamban.
“Ang money laundering ay isang krimeng kailangang puksain,” sabi ni Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Ways and Means.
Nakatakda nang maghain si Gatchalian ng isang resolusyon na nananawagan ng imbestigasyon hinggil sa usaping ito.
Nauna nang sinabi ni Gatchalian na ang mga kriminal na aktibidad ng mga POGO tulad ng human trafficking, kidnapping, investment at love scam at iba pa ay maiiwasan sana kung mahigpit na sumusunod ang mga bangko sa Anti-Money Laundering Act.
Sa loob ng mahigit dalawang taon, itinaguyod ni Gatchalian ang pagwawakas ng lahat ng operasyon ng POGO sa bansa.
Binigyang diin niya na ang mga transaksyong kinasasangkutan ng daang-daang milyong pera na may kaugnayan sa POGO na dapat na maimbestigahan.
Sa mga huling pagdinig ng Senado sa POGO, sinabi ng Anti Money-Laundering Council na tuloy pa rin ang pagsasagawa nila ng imbestigasyon kung saan kinuha ang pondong ginamit sa pagpapatayo ng Bamban POGO hub. Ernie Reyes