Home HOME BANNER STORY Senate ruling sa conviction vote sa Sara impeachment, pormal nang pinababasura sa...

Senate ruling sa conviction vote sa Sara impeachment, pormal nang pinababasura sa SC

2
0
Supreme Court

MANILA, Philippines — Hiniling ni dating Executive Secretary Vic Rodriguez sa Supreme Court (SC) na ipawalang-bisa ang ruling ng Senate Impeachment Court na nagbabago sa pagbibilang ng two-thirds vote na kailangan para ma-convict si Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial.

Sa kanyang petition for certiorari, humiling din si Rodriguez ng temporary restraining order (TRO) upang pigilan ang pagpapatupad ng desisyon ng impeachment court noong Setyembre 23.

Iginiit ni Rodriguez na ang nakasaad sa 1987 Constitution na “two-thirds of all the Members of the Senate” ay dapat nakabatay sa buong 24-member Senate, kaya 16 na boto ang kailangan para sa conviction.

Kinukuwestiyon niya ang desisyon ng impeachment court na gamitin bilang basehan ang mga senador lamang na legal at aktuwal na may kakayahang lumahok sa proceedings sa oras ng final vote.

Sa botong 13-1 noong Setyembre 23, binaligtad ng impeachment court ang naunang July 6 ruling ni presiding officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na nagtakda sa 16 ang kinakailangang boto para sa conviction.

Sa bagong ruling, maaaring hindi isama sa denominator ang mga senador na hindi legal o aktuwal na makalahok, kabilang ang mga detenido, suspended, medically incapacitated o iba pang nasa kalagayang pumipigil sa kanilang pagganap bilang senator-judge. Kailangan munang matukoy batay sa sapat na ebidensya kung sino ang saklaw ng mga naturang kondisyon.

Hindi naman binago ng ruling ang constitutional requirement na two-thirds vote, ayon kina Senate President Sherwin Gatchalian at Sen. Risa Hontiveros; ang binago umano ay kung sino ang isasama sa basehan ng pagkukuwenta nito.

Iginiit naman ni Rodriguez na walang kapangyarihan ang Senate Impeachment Court na baguhin sa pamamagitan ng procedural ruling ang denominator na itinakda umano ng Konstitusyon.

Ang bagong formula ay para lamang sa impeachment trial ni Duterte at hindi awtomatikong magiging binding rule sa mga susunod na impeachment proceedings. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here