MANILA, Philippines — Hawak na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang indibidwal na posibleng may kaugnayan sa imbestigasyon sa madugong pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato, habang hiwalay na naaresto ang isang hinihinalang online groomer sa Cebu.
Ito ang inihayag ni NBI Director Melvin Matibag nitong Huwebes, Setyembre 24, sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2027 budget ng Department of Justice (DOJ) at mga attached agency nito.
“Yesterday, we were able to get hold of one of the individuals na somehow related to what happened in South Cotabato,” ani Matibag.
Hindi pa tinukoy ng NBI ang pagkakakilanlan ng indibidwal at kung ano ang eksaktong papel nito sa pamamaril noong Setyembre 18.
Sa parehong pagdinig, sinabi rin ni Matibag na naaresto ng NBI ang isang hinihinalang online groomer sa Cebu. Hindi naman niya sinabi kung direktang konektado ang naturang operasyon sa Banga school shooting.
Tatlong estudyante ang nasawi sa pamamaril sa Banga National High School, kabilang ang menor de edad na gunman. Iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may kinalaman sa insidente ang online community na sinalihan ng estudyante at kung may mga taong nanghikayat sa kanya sa karahasan.
Nauna nang sinabi ng mga awtoridad na tinututukan nila ang posibleng online grooming at pagkalat ng mararahas na content sa mga kabataan.
Sinabi ni Matibag na patuloy ang koordinasyon ng NBI sa DOJ at National Prosecution Service habang pinoproseso ang mga kaso at isinasagawa ang iba pang operasyon kaugnay ng imbestigasyon. RNT