MANILA, Philippines — Posibleng mauwi sa kasuhan ang hindi pagkakasundo ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Meta kung hindi uusad ang negosasyon kaugnay ng online safety, partikular sa proteksyon ng mga kabataan, ayon kay DICT Secretary Henry Aguda.
Sinabi ni Aguda nitong Huwebes, Setyembre 24, na mahigit isang taon nang nakikipag-usap ang pamahalaan sa Meta, may-ari ng Facebook at Instagram, at dalawang liham na rin umano ang ipinadala kay Meta chief executive officer Mark Zuckerberg.
May nakahanda na ring draft memorandum of understanding na naglalaman ng safety protocols na hinihingi ng gobyerno. Ayon kay Aguda, napagkasunduan na umano ang nilalaman nito ngunit hindi pa rin ito napipirmahan ng Meta.
Humingi na rin umano ang DICT ng tulong sa pamahalaan ng Estados Unidos, sa pamamagitan ng Philippine Embassy at Department of Foreign Affairs, upang mapadali ang pakikipag-usap kay Zuckerberg.
Kung hindi magbunga ang negosasyon, sinabi ni Aguda na maaaring ikonsidera ng gobyerno ang legal action upang korte ang magpasya kung may pananagutan ang Meta sa mga sinasabing pinsalang nararanasan ng ilang Facebook users at kabataan.
Binanggit ng kalihim ang mga kasong isinampa laban sa Meta sa ibang bansa. Noong Agosto, nakipagkasundo ang kumpanya na magbayad ng hanggang humigit-kumulang $18 bilyon sa settlement ng mga reklamong inihain ng maraming estado at teritoryo sa US kaugnay ng umano’y epekto ng Facebook at Instagram sa mga kabataan. Hindi ito katumbas ng isang $18-bilyong multa na ipinataw ng US federal government.
Hindi naman nagbigay ng tiyak na sagot si Aguda kung posibleng tuluyang ipagbawal ang Facebook sa Pilipinas, dahil aniya kailangang timbangin ang epekto nito sa ekonomiya at lipunan laban sa panganib na dulot ng hindi ligtas na paggamit ng social media.
Ang panawagan para sa mas mahigpit na online safety measures ay kasunod ng pagtutok ng mga awtoridad sa paggamit ng ilang online platforms sa umano’y grooming at pagpapakalat ng marahas na content sa mga kabataan. Dave Medina