ALBAY, Philippines – Napatay ang isang senior leader ng New People’s Army (NPA) sa engkwentro ng mga tropa ng pamahalaan at mga rebelde noong Lunes ng gabi sa Barangay Magogon, Camalig, Albay.
Ayon kay Army Lt. Col. Cliff Chester L. de Ocampo, commander ng 31st Infantry (Charge) Battalion ng 9th Infantry Division, ang nasawing rebelde ay sinasabing commanding officer ng Regional Special Operations Group ng Bicol Regional Party Committee.
Naganap ang sagupaan sa pagitan ng mga tauhan ng 31st Infantry Battalion (IB) at 5th Regional Mobile Force Battalion at mga NPA rebelde.
Sa clearing at retrieval operations matapos ang engkwentro, narekober ng mga awtoridad ang isang Glock 17 9mm pistol, personal na gamit, at mga dokumento. Patuloy na sinusuri at dinodokumento ang mga nakuhang ebidensya bilang bahagi ng imbestigasyon.
Ayon kay de Ocampo, mahigit 30 taon nang miyembro ng NPA ang napatay na lider at nagkaroon ito ng iba’t ibang posisyon sa pamunuan ng rebeldeng grupo sa Bicol.
Nagpatuloy ang security at clearing operations sa lugar, katuwang ang pulisya, upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan. RNT/MDS