Home METRO Senior patay, 17 sugatan sa suwagan ng 2 sasakyan

Senior patay, 17 sugatan sa suwagan ng 2 sasakyan

CAUAYAN CITY, Isabela – Patay ang isang senior citizen habang sugatan naman ang 17 indibidwal sa banggaan ng Mercedes Benz van at Toyota Wigo na sasakyan sa Barangay Tallungan, Reina Mercedes, Isabela nitong Linggo, Hunyo 30.

Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Vilma Maneja, 68, pasahero ng Toyota Wigo.

Ayon sa imbestigasyon, biglang umokupa sa lane ng Mercedes Benz van ang Toyota Wigo na minamaneho ni Virgil Maneja, 34, isang sundalo mula sa Taguig City, na nagresulta sa head-on collision.

Si Chris Ian Dumlao, ang driver ng van mula sa San Mariano, Isabela, at ang walong pasahero nito ay nagtamo ng mga pinsala. Nagtamo rin ng mga pinsala si Maneja at walong pasahero.

Dinala sila sa isang ospital kung saan idineklarang patay si Vilma.

Sinabi ni Police Major Charles Cariño, hepe ng pulisya ng Reina Mercedes, na ang magkabilang panig ay nagsagawa ng mga paunang talakayan ngunit hindi pa nagkakasundo.

Pinaalalahanan ni Cariño ang mga motorista na mag-ingat sa kalsada para maiwasan ang mga ganitong insidente. RNT