MANILA, Philippines – Hindi na palalawigin pa ang deadline para sa voter registration para sa 2025 national at local elections, ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia.
Ginawa ni Garcia ang pahayag habang hinikayat ang 5.2 milyong deactivated voters na mag-apply para sa reactivation.
“Sana nga ‘yung 5.2 million magpa-reactivate ng kanilang registration. Sana makahabol hanggang September 30. Wala po tayong extension. Hanggang September 30 lang po ang ating registration,” sabi ni Garcia.
Nagsimula ang voter registration noong Feb.12,2024 . Noong July 20, nakapagtala na ng kabuuang 409,329 botante na nag-apply ng reactivation.
Na-deactivate ng poll body ang mga botante na nabigong bumoto sa dalawang sunud-sunod na naunang regular na halalan, nawalan ng pagkamamamayang Pilipino, at may mga di-wastong dokumento.
Samantala, ang mga botante na may multiple registration ay tinanggal na rin sa listahan. Inalis din ng Comelec ang mga pangalan ng mga botante na namatay.
Sa kabilang banda, umabot na sa 65.9 milyon ang bilang ng mga rehistradong botante para sa 2025 national at local elections (NLE).
Sa datos na ibinahagi sa mga mamahayag, ang kabuuang bilang ng botante para sa May 2025 election ay umabot na sa 65,943,899, na mababa pa rin sa 70 milyon botante na projection ng Comelec.
Noong nakaraang linggo, iniulat ng Comelec ang 4.5 milyong bagong botante na nagparegiatro para sa 2025 NLE, na lumagpas sa 3 milyong target. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)