Home NATIONWIDE SHC sa S. Cotabato binuksan ni Bong Go

SHC sa S. Cotabato binuksan ni Bong Go

MANILA, Philippines – Personal na dumalo si Senator Christopher “Bong” Go sa inagurasyon ng Super Health Center sa Banga, South Cotabato.

Binibigyang-diin nito ang napakahalagang papel ng naturang pasilidad para mailapit sa mga Pilipino ang serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan, lalo sa mga malalayong lugar.

Bilang tagapangulo Senate committee on health and Demography, tiniyak ni Go ang pangako niya na ang lahat ng Pilipino, anuman ang kanilang katayuan sa pananalapi, ay makatatanggap ng kinakailangang medikal na atensyon.

Ang pagtatayo ng humigit-kumulang 700 Super Health Centers sa buong bansa, kabilang ang pito sa South Cotabato, ay resulta ng pagtutulungan ni Senator Go, mga kapwa mambabatas, Department of Health (DOH) sa ilalim ni Secretary Teodoro “Ted” Herbosa, at local government units.

Inilarawan ni Senator Go ang Super Health Centers bilang medium-sized polyclinics na idinisenyo upang maibsan ang pressure sa mga ospital at tugunan ang tumitinding isyu sa kalusugan sa grassroots level.

Ang mga sentrong ito ay natutulong sa maagang pagtuklas ng sakit, pangunahing pangangalaga sa ilalim ng Universal Health Care program, at mga medikal na konsultasyon na sakop ng PhilHealth.

Ang inagurasyon ay dinaluhan din nina Congressman Peter Miguel, Mayor Evangeline Palencia, Vice Mayor Gemma Lloren, Polomolok Mayor Bernie Palencia, at Banga former mayor Albert Palencia, at iba pa. Bukod dito, ang senador ay nagbigay ng grocery packs sa barangay health workers na dumalo at mga kamiseta at bola para sa basketball at volleyball.

Nauna rito, pinangunahan ni Go ang paglulunsad ng 164th Malasakit Center sa SOCCSKSARGEN General Hospital sa Surallah.

Ipinaabot din ni Sen. Go ang kanyang suporta sa displaced workers sa Barangay Lamba covered court sa Banga, sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan at Department of Labor and Employment (DOLE).

May kabuuang 500 workers ang nakatanggap ng mga pack ng bigas, meryenda, kamiseta, bitamina, masks at bola para sa basketball at volleyball. RNT