MANILA, Philippines – Bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may mga pag-ulan ang makakaapekto sa karamihan ng bahagi ng bansa Lunes, ayon sa state weather bureau PAGASA.
Sa 24-hour public weather forecast na inilabas alas-4 ng umaga, sinabi ng PAGASA na ang shear line ay nakakaapekto sa eastern section ng Southern Luzon partikular sa Quezon, Marinduque, Oriental Mindoro, at Bicol Region na makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog.
Ang Metro Manila, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora, at ang natitirang bahagi ng Luzon, sa kabilang banda, ay maaapektuhan ng Northern Monsoon o Amihan na magdudulot ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may mga pag-ulan.
Samantala, ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ay makakaapekto sa Eastern Visayas, Central Visayas, Northern Mindanao, SOCCSKSARGEN, Caraga, Davao Region, at sa nalalabing bahagi ng Mindanao na makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog ay makakaapekto sa natitirang bahagi ng Visayas dahil sa mga localized na thunderstorms. RNT