MANILA, Philippines – Iimbestigahan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga shipowner at Philippine manning agency na sangkot sa limang barkong may Filipino seafarers na inatake o nalagay sa panganib sa Strait of Hormuz at Black Sea.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, aalamin sa imbestigasyon kung nilabag ng mga kumpanya ang DMW rules sa pagde-deploy ng mga Filipino seafarer sa high-risk at war-like areas.
Kasama rin sa susuriin ang pagsunod sa bagong direktiba na nagbabawal sa mga manning agency na magpa-board ng Filipino crew sa mga barkong patungo sa Northern Black Sea.
Isa sa mga insidente ang pag-atake noong Agosto 31 sa Saudi-flagged crude oil tanker na MT SIDR sa Strait of Hormuz. May 16 Filipino seafarers na sakay nito at dalawa ang nasawi.
Inaasahang makauwi sa Pilipinas ang 14 survivors matapos silang tulungan ng mga opisyal ng Pilipinas sa Oman at United Arab Emirates.
Samantala, inatake rin sa Odesa, Ukraine ang MV Gingo, na may 26 Filipino seafarers. Ligtas na nakababa ng barko ang crew at inaayos na ang kanilang repatriation na target sa Setyembre 10 o 11.
Ang MV Nostos, na may 23 Filipino crew, ay inatake rin sa Northern Black Sea ngunit nakarating sa mas ligtas na daungan sa Turkiye.
Inatake naman noong Setyembre 4 ang MT Siren, na may 21 Filipino seafarers, ngunit nakarating na ito sa ligtas na port at inihahanda ang crew para sa evacuation.
Samantala, may 12 Filipino seafarers ang MV Chara, na bumibiyahe mula Turkiye patungong Bulgaria kung saan inaasahang ililikas ang crew.
Ayon kay Cacdac, ligtas na ngayon sa mga port ang apat na barkong sangkot sa mga insidente sa Northern Black Sea at wala namang naiulat na nasugatan.
Pupunta si Cacdac sa Dubai, United Arab Emirates upang personal na makipagkita sa mga shipowner bilang bahagi ng imbestigasyon.
Titingnan umano kung sumunod ang shipowner at licensed manning agency sa DMW rules hinggil sa ligtas na transit ng mga OFW seafarer, pag-iwas sa high-risk areas at karapatan ng mga seafarer na tumangging bumiyahe sa mapanganib na lugar.
Kinakailangan din ng mga kumpanya na magsumite ng risk assessment bago bumiyahe ang barko at maglaan ng kinakailangang military support o armed guards sakaling kailanganin.
Posibleng parusa sa mga mapatutunayang lumabag ang pagsuspinde ng lisensya ng manning agency at/o multa, depende sa resulta ng imbestigasyon at adjudication.
Samantala, hinihintay pa ng DMW ang security assessment ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of National Defense (DND) tungkol sa sitwasyon sa Strait of Hormuz bago magpasya kung papayagan pa ang mga Filipino seafarer na sumakay sa mga barkong dadaan sa naturang strategic waterway. RNT/JGC