Home METRO SHS graduate patay sa natumbang poste

SHS graduate patay sa natumbang poste

MANILA, Philippines – Patay ang 18-anyos na senior high school na kaka-graduate pa lamang, matapos na matumbahan ng poste sa Camotes Island, Cebu.

Ang aksidente ay nangyari alas-9 ng gabi nitong Huwebes, Hunyo 6, sa bay walk ng Barangay Poblacion, Poro.

Kinilala ang nasawi na si Dane Bayot, na katatapos pa lamang ng senior high school sa Camotes Visayan Institute.

Ayon kay Police Staff Sgt. Christopher Tura of the Poro Police Station, nagtungo sa baywalk ang biktima at kaibigan na si John Lawrence Mendoza, 21, para makipagkita sa iba pang mga kaibigan nito.

Pag-uusapan sana ng mga ito ang kanilang magiging plano matapos na magtapos sa senior high school.

Habang naghihintay sa kanilang mga kaklase, nagdesisyon ang magkaibigan na gamitin ang lambat para gawing duyan.

Gamit ang isang lubid ay itinali ng magkaibigan ang magkabilang dulo nito sa isang puno at poste.

Habang nasa duyan ay bigla na lamang bumigay ang poste saka tinamaan si Bayot na nagtamo ng pinsala sa ulo at katawan.

Tinamaan din si Mendoza ngunit agad na nakailag kaya minor injury lamang ang tinamo nito.

Dinala sa Camotes District Hospital si Bayot ngunit binawian din ng buhay. RNT/JGC