Home OPINION SI PBGEN KENNETH LUCAS NA BA ANG SAGOT?

SI PBGEN KENNETH LUCAS NA BA ANG SAGOT?

SA wakas ay makahihinga na ang Region 4A sa batikos dahil wala na si PBGen Carlito Gaces na ayon sa kanyang nasasakupan ay palpak ang estilo nang pamumuno sa loob ng maikling anim na buwang liderato.

Negatibo ang mga ulat na natanggap ng Police Regional Office 4-A lalo na nang maupo sa puwesto noong Abril si Gaces.

Pero ngayon, inaasahan na magiging positibo na ang mga ulat sa PRO 4-A sa

pag-upo ng bagong regional director ng CALABARZON sa katauhan ni PBGen. Kenneth Paul Lucas na pumalit kay Gaces noong Lunes.

Sa kautusan ni Philippine National Police chief PGen. Benjamin Acorda Jr., si Gaces na pinalitan ni Lucas, dating nakatalaga bilang hepe ng Firearms and Explosives Office, ay pinalitan din naman ni PBGen Rogelio Quesada.

Sa totoo, marami ang natuwa subalit may mga nalungkot din naman sa paglisan sa Camp Vicente Lim, ang  official headquarters ng PRO4-A. Naalis si Gaces sa pwesto bilang paghahanda sa kanyang pagreretiro sa darating na Oktubre 15.

Kabilang sa mga nagalak ay kapwa police officials sa kampo at provincial commanders na nabubuwisit sa brand of leadership ng inaanak sa kasal ni Pangulong Bongbong Marcos.

Pero kung may grupong labis na nalungkot sa napaagang pagtanggal sa pwesto kay Gaces, ito ay ang ‘team tong collectors’ na nabigyan ng basbas para pamahalaan ang vice operations sa rehiyon.

Ang gambling, smuggling at illegal terminals sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon ay sumobra noong panahon ni Gaces na dahilan nang malawakang korapsyon sa hanay ng mga pulis.

Bilang pinakamataas na opisyal ng PRO 4-A,  ang sisi ay kay Gaces dahil hindi siya nakitaan ng inisyatibo, aksyon para ipahuli sa Provincial Directors at city at town city police chiefs ang mga iligal na Gawain sa kanyang nasasakupan o area of responsibility.

Bukod sa ekta-ektaryang lawak ng katiwalian sa vice operation, nasangkot din ang pamunuan ni Gaces sa maling paggastos ng pondo ng  PRO 4-A bagay na lalong ikinagalit ni Acorda at iba pang mga opisyal ng PNP.

Kumalat din ang tsismis tungkol sa ‘team tong collectors’ na umikot sa mga vice lord at puwersahang  humingi ng lagpas-leeg na donasyon para pabaon umano kay Gaces.

Pero ika nga, sa mundong ito’y walang forever. ‘out’ si Gaces at ‘in’ si Lucas.

Maganda ang naging record ni Lucas sa PNP-FEO dahil sa kanyang dedikasyon sa trabaho kaya naman ang tanong : Si Lucas na kaya ang sagot sa matagal nang katiwalian na patuloy na bumabagabag at nagpapasama sa imahe ng pulisya sa PRO 4-A?

Abangan.