Home OPINION MAGSASAKA’T MANGINGISDA PRAYORIDAD NI PBBM

MAGSASAKA’T MANGINGISDA PRAYORIDAD NI PBBM

NAKATUON ngayon ang mga programa ni Pangulong Bongbong Marcos sa pagpapalakas ng Agrikultura sa bansa bilang tugon sa kakulangan ng pagkain na nagdudulot naman nang malawakang pagsipa ng presyo nitong dagdag pasakit sa nakararami nating mga kababayan.

Ito rin ang umano’y dahilan sa pagtaas ng imports natin ng mga pangunahing pagkain upang sagutin ang pangangailangan ng sambayanan kagaya ng bigas, karne, gulay, isda at iba pang produktong inihahain ng bawat pamilya sa hapag kainan.

Subalit kung titingnan, ang labis na importasyon ang ugat  nang paglipana ng mga sindikatong nasa likod ng hoarding at pagtatago sa mga bodega ng imported na mga pagkaing pinatunayan naman ng tone-toneladang nasabat ng awtoridad.

Kaya naman iba’t-ibang tulong ang ibinibigay ngayon ng kasalukuyang administrasyon kabilang ang pagbibigay ng kapital sa libo-libong magsasaka’t mangingisda, pagbubukas ng Kadiwa store, pamamahagi ng farm implements, bangka, lambat at iba pang pangangailangan ng sektor na ito upang mas lalo pang lumakas ang kanilang produksyon at ani.

Kaakibat din sa mga programa ang pagtatayo ng cold storage facilities sa mga fishport at bagsakan para walang masayang na isda’t gulay at direktang maibebenta pa rin sa mga negosyanteng hindi na dadaan sa kamay ng mga middle man na pinaniniwalaang malaki ang kinikita kaysa sa mga mangingisda’t magsasaka.

Unawa natin na hindi pa rin binibitawan ni PBBM ang pagiging Kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura bunsod nang hangarin niyang maisakatuparan ang lahat na planong buhay na testigo siyang isinagawa noon ng ama nitong si Apo Ferdinang Marcos kung saan naging numero unong exporter ng bigas sa Asya ang bansa noong dekada 70 hanggang 80.

May bali-balita subalit hindi pa kumpirmado na napipisil ni PBBM na pumalit sa kanya sa pwesto bilang kalihim ng Department of Agriculture ang fishing tycoon na si Francisco Tiu Laurel Jr., may-ari ng Frabelle Group of Companies. Ang nasabing negosyante, anang source, ay nagtataglay ng mga katangiang hinahanap ng Pangulo sa papalit sa kanya.

Sa madali’t sabi, hindi kailanman puwedeng isantabi na ang pagbibigay prayoridad sa Agrikutura ang sagot sa kakulangan ng pagkain at tuluyan nang magtutuldok nito sa madalas na pag-aangkat ng pangunahing pangangailangan ng taumbayan.

Hindi ba’t ang mga bansang Vietnam at Thailand noon ay nag-iimport lang sa atin ng bigas at gulay samantalang dito na tayo ngayon madalas umangkat ng mga pagkain mula nang etsapwera na ang agrikultura sa prayoridad ng gobyerno?