Home OPINION SIRA BA KIDNEY MO? SOLB AGAD ‘YAN!

SIRA BA KIDNEY MO? SOLB AGAD ‘YAN!

HINDI biro-biro ‘yang may sakit ka at pupunta sa ospital para magpagamot.

Lalo na kung magpapaopera ka.

O nakararamdam ng hindi maganda sa iyong pag-ihi.

Ito’y dahil may sasalubong sa iyo at kakausapin kang doon ka na lang sa kanila dahil libre na, gagaling ka pa tiyak.

Hindi ka na rin mamroblema sa pamasahe dahil libre ride ka papunta sa kanilang klinika.

Ayaw mo pa niyan?

Napakahirap tanggihan ‘yan lalo’t nagpapakilalang doktor ang kumakausap sa iyo.

Kung alanganin nga ang laman ng iyong bulsa at may nagsasabi namang gagaling ka sa murang panggagamot at sa ospital pa ang pag-uusap, paano ka makatatanggi?

KWIDAW KA

‘Pag sumama ka na sa matatamis na dila ng mga anak ng tokwang kawatan sa kidney o bato, doon ka na mayayari.

Siyemnpre pa, kumpleto ang mga kagamitan at mukha talagang klinika ang pinagdalhan sa iyo.

Bibigyan ka ng damit pampasyente pahihigahin ka sa kama makaraan kang tsekapin.

Siyempre pa, tiwalang-tiwala ka na.

Pero bago ka operahan, patutulugin ka muna sa anestisya ng tsuper at mekaniko na nagbiyahe sa inyo patungong klinika.

Hayun, kapag nakatulog ka na at para hindi ka makaramdam ng sakit, doon na isasagawa ang pagtanggal ng iyong kidney ni Dr. Fawad.

Maaaring isa sa iyong kidney ay may depekto ngunit ang isa, oks na oks pa.

Kaya hayun, tatanggalin nila nang buo ang iyong kidney.

Ang iba, kahit walang sakit sa kidney pero lang parang may sakit sila roon, aba, tinatanggalan din sila ng kidney.

Siyempre, bibigyan ka nila ng gamot pagkatapos ng operasyon hanggang sa gumaling ka.

Yung may mga problema sa kidney pero isa lang ang may depekto, siyempre pa, tuwang-tuwa matapos ang operasyon.

Ang walang sakit sa kidney pero operado rin, nagtitiwala na lang na gagaling siya.

Pero ‘yung iba, namamatay, dead on the spot o kaya’y dead after discharge.

Hindi dead on arrival, ha.

BINEBENTA SA MAYAYAMAN

Sa Pakistan nagaganap ito, mga Bro.

Simula lang noong 2010, daan-daan na pala ang natanggalan ng kidney nang hindi nila nalalaman ng mga biktima.

Nalalaman na lang nila na wala na pala silang kidney sa kanilang pagpapatsekap sa ibang mga doktor at ospital.

At nalalaman na lang din nila na may mga bumibili pala ng mga kidney na mayayaman sa halagang $34,000 o halos P2 milyon sa perang Pinoy.

Milyonaryo na si Dr. Fawad at ang driver mechanic niya na doktor din sa anestisya, nagkakasakit lalo naman ang kanilang mga biktima.

Pero arestado na sila at maaaring makulong sila ng nasa 10 taon at magmulta ng $3,400 o halos P200,000.

Sabi-sabi, may mga nawawalang bata sa atin at kinidnap umano.

Biktima ba sila ng kidnap-for-kidney gang?

Sana naman, wala ang krimeng ito sa mahal kong Pinas.