MANILA, Philippines – Ipatutupad ang signal jamming sa ilang lugar sa Maynila bilang bahagi ng security measures sa gaganaping Traslacion bukas, Enero 9, ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.
“Yes, ija-jam po tomorrow,” pahayag ni Abalos sa ambush interview kasabay ng kanyang inspeksyon sa Quiapo Church.
“So expect po, sabihan ninyo na iyong mga kamag-anak ninyo na kung hindi kayo ma-reach huwag na munang mag-panic dahil every year ginagawa po iyon,” dagdag pa niya.
Wala namang namonitor na problema na may kinalaman sa Traslacion lalo pa’t handa ang mga ahensya ng pamahalaan para sa pagdiriwang.
“I don’t see any thing sa sasabihin nating problema. Ang masasabi ko 100% prepared ang kapulisan, AFP, ang Fire, ang MMDA, lalo na ang City of Manila, lahat po ng ahensya ng national government,” ani Abalos.
Nasa dalawang milyong katao ang inaasahang daragsa sa Traslacion. Ang huling Traslacion na ginanap noong 2020 ay nilahukan ng nasa 3.125 milyon deboto. RNT/JGC