Home NATIONWIDE SoKor firm lone bidder sa 2nd Comelec bidding sa 2025 poll

SoKor firm lone bidder sa 2nd Comelec bidding sa 2025 poll

MANILA, Philippines – May nag-iisang bidder pa rin ang joint venture na pinamumunuan ng South Korean firm sa ikalawang round ng bidding ng Commission on Elections (Comelec) para sa pagbili ng bagong automated election system (AES) para sa 2025 national at local elections.

Sa unang round ng bidding, naging lone bidder din ang Miru ngunit idineklara ng Comelec Special Bids and Awards Committee na “failure of competitive bidding” makaraang matuklasan na South Korean firm na “ineligible” dahil bigong sumunod sa legal na rekisito ng lease contract.

Dahil dito, nagsagawa ang Comelec Special Bids and Awards Committee (SBAC) ng pangalawang round ng bidding para sa AES nitong Lunes kung saan nagsumite ang Miru ng bagong bidding documents.

Sa pangalawang round ng bidding, binanggit na anim na kompanya ang bumili ng bidding documents mula sa Comelec SBAC sa AES, kabilang ang Smartmatic Philippines na nauna nang pinabawalang makilahok sa anumang procurement projects.

Apat sa mga ito ay sumulat sa Comelec SBAC at sinabing hindi na itutuloy ang kanilang interes sa bidding para sa proyekto habang ang Smartmatic ay sinusubukang magsumite ng kanilang bid ngunit hindi pinayagan ng SBAC secretariat.

Ayon sa SBAC secretariat, walang temporary restraining order mula sa Korte Suprema na nagpapahintulot sa Smartmatic na makilahok sa Comelec bidding para sa 2025 AES.

Ang Comelec ay kasalukuyang naghahanap ng system provider para sa bagong automated election system na tinawag na Fully Automated System with Transparency Audit and Count (FASTrAC).

Ang FASTrAC ay upgraded optical mark reader (OMR) paper-based automated eections system na may Direct Recording Electronic (DRE) capabilities. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleSignal jamming ipatutupad sa Traslacion 2024 – Abalos
Next articleHalos P.2M shabu nasamsam sa Malabon, Navotas buy bust