MERON naman palang usapang lalaki, sikreto nga lang. Parang ang hirap yata ng ganoong usapan. Nitong mga nakalipas na linggo, umalingasaw ang mga tsismis na merong “gentleman’s agreement” sina dating Pangulong Duterte at Chinese President Xi Jinping. Diumano’y pumayag si Duterte sa usapang “walang galawan” o walang pagbabago ng estado ng mga bagay sa Ayungin Shoal.
Pinaputok ni dating Spokesperson Atty. Harry Raque ang “usapang lalaki” pero pinabulaanan naman ito ng isa rin dating Spokesperson na si Atty. si Salvador Panelo. Sa huli, sinabi na ni Duterte na wala s’yang natatandaang ganito.
Ito kasi ang rason ng China kung bakit daw nila pinipigilan ang mga re-supply mission ng Philippine Coast Guard sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Pinipilit kasi ng China na hindi tumutupad ang Pilipinas sa “usapang lalaki” na ito.
Pero ang mga tanong, meron nga bang kasunduan na nangyari? Kung meron man, ligal ba ito at tungkulin ba ng gobyerno ng Pilipinas na sumunod dito? Kung hindi naman ito illegal, meron bang nilabag na batas si dating Pangulong Duterte sa pagpasok sa “gentleman’s agreement” na ito?
Ang anomang kasunduang pinapasok ng isang bansa ay dapat nakasulat at pormal na pirmado ng mga kinauukalan. Maaring Memorandum o Communique, mas mabuti kong agreement o tratado pa nga. Pero ang importante, nakasulat at pirmado ang lahat, para malinaw at konkreto kung ano ang mga bagay na pinagkakasunduan.
Hindi man ako abogado, pero alam ko na kung walang papel na pinirmahan ang mga lider o kinatawan ng mga bansa eh walang kasunduan. Pangkaraniwan pa nga kailangan ay meron pagpayag ang Kongreso at ang Senado natin sa lahat ng kasunduan na papasukin ng Pilipinas.
Hindi man ako elected official, kung meron man ipinangako o pinasok na “usapang lalaki” ang dating Presidente, tapos ay sikreto pa pala ito, malinaw sa akin na hindi pananagutan ng bansang Pilipinas at ng mga mamamayang Pilipino kung anoman ang usapan nila. Sila lang siguro ang nagkwentuhan, pero labas tayong lahat d’yan, wala tayong kinalaman.
Kaya hindi dapat tanggapin ang mga kwentong-kutsero ng China na kanila ang Ayungin Shoal at meron ng usapang lalaki tungkol dito. Hindi ito totoong “usapang lalaki” kung sikreto naman pala.






