Home OPINION PIYESTA NG MGA DRUGLORD PALAGI

PIYESTA NG MGA DRUGLORD PALAGI

223
0

WALA talagang kadala-dala ang mga druglord at mga protektor nila sa pagpapapasok o paggawa ng mga droga sa mahal kong Pinas.

Lagi silang nagpipiyesta.

Kaugnay ito ng napakalalaking kantidad ng droga na hindi magkakalayo ang mga panahong nasamsam ang mga ito.

Kamakalawa lang, nasa dalawang toneladang shabu ang nasabat ng mga pulis sa bayan ng Alitagtag, Batangas at nanggaling pa iyon sa Sta. Teresita, Batangas din.

Nagkakahalaga umano iyon ng mahigit P13 bilyon.

Oktubre 2022 naman noong nasakote ang halos isang tonelada ring shabu na may halagang P6.7 bilyon sa kamay ni Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr.

Sa kasong ito, anak ng tokwa, ilang heneral at kernel ng Philippine National Police ang sinibak sa tungkulin sa pagkakasangkot o kapabayaan dito.

Marso 2022 o bago umalis sa pwesto si dating Pangulong Digong Duterte nang masakote ang nasa P11 bilyong halaga ng 1.6 toneladang shabu rin sa Infanta, Quezon.

Napakalalaki ang mga ‘yan, mga Bro.

MGA PARANGAL AT ‘DI IKINARARANGAL

Ang National Bureau of Investigation sa ilalim noon ni Officer-in-Charge Eric Distor ang pangunahing pinarangalan sa pagkakasakote ng shabu sa Infanta at ang 10 taong sakay ng van.

Siyempre pa, may parangal din sa mga pwersang galing sa Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency.

Galing umano sa dagat ang shabu at dinala ng mga dayuhang druglord iyon saka ipinasa sa mga kontak nilang druglord sa Pinas ngunit napurnada dahil nasakote nga.

Nang masakote ang shabu kay Sarhento Mayo sa Maynila, anak ng tokwa, anomang parangal sanang maiaabot sa kung sinomang nang-raid at nakakumpiska ay nawalan nang saysay at naging kahiya-hiya at kasuka-suka.

Ito’y dahil may mga misteryong naganap gaya ng pagtapyas ng ilang kilo rito nang harap-harapan saka pagsasauli ng mga ito sa mismong gate ng Camp Crame nang magkabuking-buking lahat.

‘Yun pala, druglord at protektor mismo ang mga pulis mula sarhento hanggang sa mga kernel at heneral at sa Camp Crame pa nakabase ang marami sa mga ito.

Ang dapat na parangal, naging kahiya-hiya at hindi ikinarangal.

Sa Alitagtag, Batangas, agad na itinaas ng isang ranggo si Municipal Chief of Police Captain Luis de Luna Jr..

Kongrats, Kapitan, este, Major Luis de Luna Jr. na ngayon.

Pero hindi pa tapos ‘yan, ha, Major.

Sisilipin pa kung kanino nanggaling yan at kung kanino idedeliber sana.

At dapat malaman na rin kung sino-sino ang mga protektor nila, kung meron man.

Hindi porke, nadakip ang tsuper ng sasakyan, hanggang doon na lang.

WALANG TAKOT, BULTO-BULTO ANG PARATING

Haka-haka lang ito, mga Bro.

Nasakote ang mga ganyang kalalaking bulto ng shabu.

Noong panahon ni ex-Pres. Digong, malaki ang paniniwalang nabali ang karamihan sa mga gulugod ng mga druglord at mga protektor nila at isa sa mga huling hininga ng mga bigtime sa droga ang kaso sa Infanta.

Pero hindi, mga Bro, dahil nakalusot sa lambat ng Tokhang at Double Barrel ang shabu nina Sarhento Mayo, kernel at heneal na nasakote ilang buwan lang makaraang umupo naman ni Pang. Bongbong Marcos.

At ngayon nga, may nagtangkang magpalusot ng pinakamalaking bulto ng droga sa kasaysayan ng Pinas.

Heto ang ating haka-haka.

Meron bang mas malalaki pang bulto na nakalulusot?

Kaya maya’t maya, kung saan-saan na lang nasasakote ang mga nagtitinda ng tingi at por kilo.

Kung may may katumbas o mas higit pang malalaki ng bulto, hindi kaya may mga katulad ng mga heneral, kernel at sarhento na nasa likod ng mga ito?

O kaya’y mga politiko o kamag-anak ng mga politiko gaya ng ilang mayor o gobernador noong panahon ni Pres. Digong?

Isang mahalaga ring tanong: Bakit lumilitaw ang napakalalaking bulto ng droga sa mga araw na ito?

Higit na mahalagang tanong ito kaysa pagkakasakote ng mga ito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here