KASABAY ng joint session ng Senate of the Philippines at ng House of Representatives nitong July 22, 2024 sa Batasang Pambansa, Quezon City iniulat ni President Ferdinand “BBM” Marcos ang kalagayan ng bansa sa kanyang 3rd State of the Nation Address (SONA).
Siksik at malaman ang talumpati ni PBBM na tumagal ng isang oras at 22 minuto sa sinasabing “most well attended SONA” na may mahigit 2,000 na bisita.
Narito ang mahahalagang naging punto ng pag-uulat:
Inuna ni PBBM ang usapin ng sikmura partikular ang bigas.
Aminado siyang kahit pa maganda ang pagtingin ng iba’t ibang international economic institutions sa gumagandang ekonomiya ng bansa ay hindi ito nararamdaman ng maraming Filipino dahil sa mahal na bigas na umaabot ng mula Php 45.00 hanggang Php 65.00, at iba pang mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Pagtitiyak ng Pangulo, gumagawa ng panandalian at pangmatagalang solusyon ang administrasyon para tugunan ang problema.
Idineklara na banned na ang operasyon ng mga POGO o Philippine Offshore Gaming Operations sa bansa at inutusan ang Philippine Amusement and Gaming Corporation na ipatigil na ang operasyon ng lahat ng POGO hanggang katapusan ng kasalukuyang taon.
Kasabay ng pag-atas sa Department of Labor and Employment na magkaroon ng koordinasyon sa mga economic manager para tulungan ang nasa higit kumulang 20,000 na mga mawawalan ng trabaho dahil sa kautusan.
Muling nanindigan si PBBM na ang mga bahagi ng West Philippine Sea (WPS) na inaangkin ng bansa ay pag-aari ng Pilipinas at hindi kathang isip lamang.
Bagama’t mapayapang pamamaraan at diplomasya pa rin ang magiging pamamaraan ng bansa para mapababa ang mainit na tensyon sa WPS.
Pinasalamatan at pinapurihan din ng Pangulo ang Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, at ang mga mangingisda sa patuloy na pagbabantay at paninindigan sa teritoryo ng bansa.
Ipinagmalaki ni PBBM ang tinawag niyang “bloodless war on illegal drugs” kung saan ay umabot sa US$ 44 billion ang halaga ng mga nahuling droga, pag-aresto ng 97,000 na personalidad na sangkot sa droga at pagkakaso sa kanila. Sa bilang na ito, nasa 6,000 ang high value targets.
Pagbibigay-riin ng Pangulo, epektibo ang kampanya ng administrasyon kontra droga na hindi kasama ang pagpatay sa mga pinaghihinalaang mga user at pusher.






