Home OPINION SUSI SA KATUPARAN NG POGO BAN

SUSI SA KATUPARAN NG POGO BAN

“THE grave abuse and disrespect to our system of laws must stop. Kailangan nang itigil ang pangugulo nito sa ating lipunan at paglapastangan sa ating bansa. Effective today, all POGOs (Philippine Offshore Gaming Operators) are banned.”

‘Yan ang binitawang sorpresang balita na naging highlight ng 3rd State of the Nation Address o SONA noong Lunes(July 22) ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.

Tumayo at nagpalakpakan  ang dumalong opisyales ng gobyerno, ganoon din ang attendees na foreign dignitaries bilang pagsang- ayon sa inihayag ng Presidente bago magtapos ang halos isa’t kalahating oras na talumpat.

Boring ang speech ng Pangulo hanggang simulang talakayin ang samu”t saring problema sa peace and order na nauwi sa pag-utos sa Philippine Amusement and Gaming Corporation na itigil na ang POGO.

Ang POGO, sa pagkakaalam ng marami ay ligal dahil may permit itong ibinibigay ng PAGCOR hanggang  magsagawa ng mga raid ang Presidential Anti-Organized Crime Commission sa mga lugar ng  POGO.

Karamihan sa mga nahuli ng PAOCT sa Pasay City; Paranaque  City; Porac, Pampanga; Bamban, Tarlac at iba pang lugar  ay iligal POGOs.

Nagsagawa rin ng sariling imbestigasyon ang Senado  at sa kanilang pagsisiyasat ay nadiskubre ang iba’t ibang iligal na gawain kaugnay sa POGO tulad ng online scam, kidnapping, human trafficking at iba pang masamang aktibidades.

Malaki ang kontribusyon ng POGOs na nag-ooperate ng ligal sa bansa dahil  sa bilyones na buwis na ibinabayad sa kaban ng pamahalaan, ayon sa PAGCOR pero pinili ni PBBM ang kapakanan ng maraming Pilipino na naloloko ng iligal na POGO.

Direktiba ng Pangulo kay PAGCOR Chair Al Tengco, kailangan ay wala nang POGO sa bansa sa katapusan ng taon.

Ang POGO ay pinapatakbo ng sindikato na kailangang tapatan ng ‘honest to goodness’ na pagsasakatuparan ng PAGCOR, Philippine National Police, National Bureau of Investigation at iba pang law enforcement agencies. Hindi pwedeng baliin ang utos ng Pangulong kaugnay sa pagbabawal sa POGO.

Dahil kung makikipagkaibigan lang ang law enforcemers sa sindikato ng POGOs, aba’y parang illegal gambling at smuggling lang na ilang beses iniutos supilin ng mga naging Pangulo pero hanggang ngayon ay buhay na buhay pa rin.

Ang sinasabi natin, magpakatotoo lang ang mga nanumuno ng PAGCOR, PNP, NBI at iba pang ahensya na may police power, baka ‘di pa aabot ng end of the year ban period na ibinigay ng Pangulong Bongbong ay burado na  mga POGO  sa bansa.