Home OPINION KORAPSYON NA KAPATID NG POGO DINEDMA SA SONA

KORAPSYON NA KAPATID NG POGO DINEDMA SA SONA

144
0

LUMIKHA ng standing ovation sa State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos ang kautusan niyang isara na lahat ang Philippine Offshore Gaming Operators simula mismo kamakalawa.

Inutusan na rin ng Pangulo ang Philippine Amusement and Gaming Corporation na isara ang mga POGO hanggang katapusan ng taon at ang Department of Labor and Employment na hanapan nang mapapasukan ang mga Pinoy na mawawalan ng trabaho.

Rason ni Marcos, pinagmumulan ang mga POGO ng matitinding krimeng cyber scamming, kidnapping, pagpatay, prostitusyon at iba pa.

Pabor tayo sa aksyon ng Pangulo laban sa POGO, ngunit bakit tila hindi nito binigyan ng katumbas na diin ang pagbuwag ng korapsyon na kapatid ng POGO?

Bilang ehemplo, natutuklasan sa mga pagdinig sa Senado na marami sa mga dayuhang sangkot sa mga POGO ang may mga ligal na katatayuan dahil sa hawak nilang mga ligal na dokumento sa pagdating sa Pinas gaya ng pasaporte, birth certificate, permisong magtayo ng POGO, hub man o hindi, alien certificate of registration at iba pa.

Maliban sa binubugbog sa Senado na si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at mga umano’y kasabwat nito sa pagtatayo ng mga POGO na may halong mga krimen, hindi kinakanti ang mga korap na nagpayabong sa mga ito, kasama na ang mga nakaupo sa pamahalaang Marcos.

Bakit hindi binanggit ng Pangulo ang pagbuwag sa matinding korapsyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaang Marcos?

Noong 2003 o noong administrasyon ni ex-President Gloria Macapagal-Arroyo nagsimula ang pagtatayo ng mga POGO sa Pinas, lumago sa panahon ni ex-Pres. Noynoy Aquino ngunit ni-regulate ni ex-Pres. Digong Duterte na simula nang pagkakaroon ng malaking kita ng gobyerno rito at nagpatuloy ang mga ito sa loob ng tatlong SONA ni Marcos.

Nasaan ang laban sa korapsyon sa apat na administrasyon, kasama ang ilan na nasa Senado, Kamara at iba’t ibang ahensya na nagpalago at/o nagpabaya sa POGO?

Kung iniutos ni Pang. Bongbong ang pagwawakas ng korapsyon sa POGO, nagkaroon din kaya ng standing ovation dito sa SONA?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here