MANILA, Philippines – Simula sa Hulyo 15, mas pinalawak na ang coverage ng Philippine Health Insurance Corporation para sa moderate hanggang severe na kaso ng leptospirosis.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro , alinsunod ito sa hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mas marami ang makakuha ng kinakailangang gamutan nang hindi nalulubog sa napakalaking gastusin.
Sa ilalim nito, mas mataas aniya na ang coverage para sa mga pasyente – hanggang P63,000 para sa hospital care, P170,000 para sa hemodialysis, at hanggang P230,000 para sa peritoneal dialysis.
Maaari rin aniyang umabot ang package sa P411,000 para sa mga kuwalipikadong pasyenteng nangangailangan ng kritikal na gamutan at kung kinakailangan ng kombinasyon ng hemodialysis, mechanical ventilation, at pulmonary rehabilitation.
Libre na rin aniya ang konsultasyon sa mga Yakap provider kung saan maaaring maresetahan ng doxycycline kung kinakailangan.
“Iniinom ang gamot na doxycycline bilang pang-iwas sa leptospirosis ayon sa payo ng healthcare provider.,”ani Castro.
“Saklaw ito ng PhilHealth “Gamot Package” na nagbibigay ng hanggang 20,000 pesoskada miyembro annually para sa mga kinakailangang gamot para sa leptospirosis,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)