MAKARAANG sumulat sa X o dating Twitter si United States President Joe Biden na umatras na siya sa halalang presidential sa darating na halalan sa nasabing bansa, sinabi naman ni dating Pangulong Donald Trump na Biden “was not fit to run for President and is certainly not fit to serve.”
Si Vice President Kamala Harris ang inendorso niyang kapalit niya laban kay Trump.
Mismong ang mga kapartido ni Biden ang nagtulak sa kanya na umatras matapos na bugbugin at padapain siya at naging walang kalaban-laban sa debate kay Trump.
Sinundan pa ito ng pagiging malimutin na nito gaya ng pagtawag kay Ukraine President Volodimir Zelenskyy na “Putin” at kay VP Harris na “Vice President Trump.”
AYAW NOONG UNA
Noong una, ayaw umatras sa laban si Biden lalo’t sinasabi ng iba niyang mga kausap na oks na oks talaga ito gaya nina Zelenskyy at Prime Minister Keir Starmer ng United Kingdom.
Ayon din sa ilang doktor, walang sakit si Biden at normal lang ang pagkakamali sa pagtawag sa ibang tao at nangyayari ito sa kahit kanino, bata o matanda.
Ngunit nang ayaw nang tumulong kay Biden ang kanyang mga kasamahan na kongresman, senador, taga-ipon ng pondo para sa halalan at suporter nito.
At hayun, umatras na siya sa laban at bubunuin na lang niya umano ang termino hanggang may kapalit na siya makaraan ang halalan sa Nobyembre 2024.
PAANO ANG PINAS?
May problema ang Pinas sa China sa exclusive economic zone nito na kinilala ng Court of Permanent Arbitration.
Hindi kinikilala ng China ang 200-milyang EEZ na ini-award ng CPA sa Pinas at sa halip, iginigiit nitong teritoryo nito ang nasabing bahagi ng karagatang South China Sea.
Lalo’t hindi naman sinabi ng nasabing korte na teritoryo ng Pinas ang 200-mile EEZ kundi pangisdaan, pagkunan ng anomang likas na yaman at iba pa.
Sinasamantala naman ng US ang hidwaan para proteksyunan ang negosyo nitong bahagi ng dumadaloy sa karagatan na nagkakahalaga ng $3 trilyon at panatilihing bakod ang Pinas, kasama ang South Korea, Taiwan at Japan, bilang proteksyon nito sakaling magkaroon ng giyera ang US at China.
Ngayon naman, karaniwan nang sumasandal ang Pangulo at gobyerno ng Pinas sa mga Pangulo ng US sa hidwaan nito sa ibang mga bansa gaya ng China.
Ano na ngayon ang epekto ng pagiging inutil na ni Biden sa Pinas at posibleng pag-apoy ng relasyong China at US sa pag-upo ni Trump kung magiging Presidente ulit ito?
Ang pinakamabuti, panatilihing malaya ang Pinas sa pakikialam ng ibang bansa at iwasan nitong masangkot sa madugong digmaan na laging itinutulak ng iba, gaya ng US sa Ukraine laban sa Russia at Israel laban sa Palestine, at posibleng Pinas laban sa China.
Ang hotline na itinayo na sa pagitan ng Pinas at China ukol sa anomang sigalot sa WPS ay malaking hakbang tungo sa ligal at maayos na pagkilos ng Pinas sa Ayungin shoal hanggang sa Pag-asa Island at iba pang sinasakop ng Pinas bilang teritoryo o kaya’y bahagi ng EEZ.






