MAY mga nakausap tayong mga pwersa ng gobyerno na nagbabantay para sa ligtas na ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos.
May kaugnayan pala ang pagpapalayo ng mga awtoridad ng mga raliyista, pro o anti-Marcos, sa mga lansangan sa naganap na pamamaril kay dating United States President Donald Trump.
Nakaligtas si Trump nang matamaan lamang ito sa tainga ng bala ng baril ng killer na si Thomas Matthew Crooks.
Namatay ang isa at nasugatan ang isa pa sa nasabing pamamaril ni Crooks na napatay din naman kaagad ng isang government sniper.
Ayaw ng mga awtoridad na malusutan sila ng mga killer na maaring gustong bumaril o pumatay naman kay Pang. Bongbong o sinomang mataas na opisyal ng Pilipinas na daraan sa mga lugar patungo sa Kamara o Batasang Pambansa sa Quezon City.
Ang mga anti-Marcos, pumayag silang sa loob na lang sila ng University of the Philippines-Diliman campus maglalabas ng kanilang mga hinaing sa pamahalaan.
Ang mga pro-Marcos, inilagay naman sila sa lugar na ligtas may katiyakang ligtas din ang Pangulo at mga bisita ng SONA.
Dahil sa mga ito, naging maluwag ang Commonwealth Avenue at mga sanga nitong kalsada mula Quezon City circle hanggang Fairview.
Pinanatiling bukas ang kalakhang bahagi ng Commonwealth Avenue at sumikip lang nang kaunti ito pagpasok ng mga sasakyan papunta sa SONA at nang magsiuwian ang mga dumalo.
Naging normal na matrapik sa oras ng uwian dahil may pasok naman sa opisina, trabaho at negosyo sa labas ng Quezon City.
Kung tutuusin, ngayon lang nangyari ang maluwag na kalsada at naging mabuti na rin sa lahat ng nagbiyahe.
Napakagandang malaman na nagkasundo-sundo ang mga awtoridad at raliyista.
Ito’y matapos na tangkain ng mga anti-Marcos na maglakad patungo sa lugar na malapit lang sa Batasang Pambansa.
Walang gaanong naperwisyo at naging malaya ang lahat na gawin ang kanilang gusto nang walang halong mga kaguluhan, sakitan at istorbo sa higit na nakararami.






