MANILA, Philippines – NAGHAIN na ng kaniyang counter affidavit sa Office of the Ombudsman si Vice President Sara Duterte bilang tugon sa reklamong inihain ng House of Representatives laban sa kaniya sa isyu ng umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Pasado ala-1 ng hapon ng Biyernes, nagtungo ang mga abogado ni VP Duterte, kasama si dating Undersecretary Atty. Michael Poa, sa Ombudsman.
Magugunitang binigyan ng 10 araw si VP Sara at ilan nitong tauhan sa Department of Education (DepEd) at Office of the Vice President (OVP) para magpaliwanag laban sa mga reklamong isinampa ng Kamara gaya ng plunder, technical malversation, falsification, use of falsified documents, perjury, bribery, corruption of public officers, at iba pa.
“Failure to file counter-affidavit within the aforesaid period shall be deemed as waiver of respondent’s right to submit controverting evidence and the preliminary investigation shall proceed accordingly,” sabi sa utos.
Kung hindi sasagot ang mga inaakusahan, sinabi ng Ombudsman na dedesisyunan ito batay lamang sa mga ebidensiyang inihain ng nag-akusa.
Sa ulat, Hunyo 10 (Martes) inirekomenda ng komite ang paghahain ng kasong plunder laban kay Duterte kaugnay ng iregularidad umano sa paggastos ng confidential funds.
Kasama rin sa pinakakasuhan ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng DepEd at OVP kabilang ang chief of staff ni Duterte na si Atty. Zuleika Lopez.
Inirekomenda rin ng komite ang paghahain ng mga kasong technical malversation, falsification, bribery, at graft and corruption laban sa mga sangkot.
Pinagtibay ng Kongreso ang committee report sa sesyon matapos basahin ng chairperson ng House Committee on Good Government and Public Accountability na si Manila Rep. Joel Chua.
Ang rekomendasyon ay nag-ugat sa iregularidad umano sa paggastos ng P612.5 milyong confidential funds sa ilalim ng DepEd at OVP noong 2022 at 2023.
Sa imbestigasyon ng komite, lumabas ang mga kuwestiyonableng pangalan gaya ni “Mary Grace Piattos” na nakatanggap umano ng confidential funds subalit walang rekord sa Philippine Statistics Authority. Kris Jose