MANILA, Philippines – Posible umanong istratehiya lamang ng gobyerno ng Pilipinas ang hindi paglabas ng warrant laban kay Senador Bato Dela Rosa, ayon kay Atty. Israelito Torreon, na siyang tumatayong abogado ng sendor.
Sinabi ni Atty. Torreon, sa oras na matunton ang lokasyon ng senador ay maaari na siyang arestuhin at saka lamang ipapaalam na may warrant of arrest.
Giit ng abogado ang kanilang kahilingan sa Department of Justice na kumpirmahin kung may arrest warrant ang kaniyang kliyente, dahil may nakuha silang impormasyon ukol dito ngunit hindi sila pinagbigyan ng DOJ.
Aniya, may nakuha silang impormasyon na may warrant of arrest laban kay Senador Bato mula sa International Criminal Court na kasalukuyang nasa National Criminal Bureau.
Dagdag niya, kung maaresto si Dela Rosa, maghahain ang kanilang kampo ng petition for habeas corpus sa Korte Suprema bilang legal na remedyo.
Nilinaw rin ni Torreon na wala siyang direktang kontak kay Dela Rosa at nakikipag-usap lamang sa senador sa pamamagitan ng kaniyang pamilya.
Bagamat ilang buwan nang nagtatago ang senador sinabi ni Torreon na nagagampanan pa rin niya ang kanyang tungkulin sa pamamagitan ng mga tauhan sa Senado. Jocelyn Tabangcura-Domenden