ISABELA, Philippines – Sa isinagawang manhunt operation ng pulisya ay naaresto agad matapos ilang minuto ang panghoholdap sa isang Pakistani at asawa nitong Pinay sa Barangay Arellano, Quezon, Isabela.
Kinilala ang mga biktimang sina alias “Mary,” 43 taong gulang, at alias “Jose,” isang Pakistani national, ay bumaba mula sa kanilang sasakyan upang bumili ng mobile phone load.
Bigla na lamang silang nilapitan ng isang suspek na bumunot ng baril at idineklara ang holdap.
Sapilitang binuksan ng suspek ang sasakyan at tinangay ang bag ng biktima na naglalaman ng isang pares ng gold earrings, pitong libong (7,000) Dirham, dalawang gold bracelets, dalawang Pakistani passports, at isang National Driver’s License, bago tumakas patungo sa hindi pa batid na direksyon.
Ayon kay PMaj. Clarence Labasan, hepe ng Quezon Police Station ay agad rumesponde ang kanyang pamunuan katuwang ang Mallig PS, PIU, IPPO, 3rd Platoon, 1st IPMFC, 201st Coy, RMFB2 na nagresulta sa matagumpay na pagkakaaresto ng suspek nakilalang si alyas “Edmar”, 36 anyos, residente ng Tabuk City, Kalinga.
Narekober mula sa pag-iingat ng suspek angvisang (1) back pack na kulay itim; sari-saring damit; sari-saring mga gamot; Cellphone charger; dalawang (2) piraso na bull cap; tatlong (3) pirasong passport; isang (1) maliit na kartong kulay asul na may isang (1) pares ng hikaw; isang (1) piraso na gold bracelet; isang (1) steel time bracelet at
isang (1) unit ng Hyundai accent na kulay itim na may plakang VIY 658.
Kabilang ang pinaghihinalaang marijuana at baril (hindi pa matukoy na kalibre) pansamantala nasa kustodiya ng Soco Roxas–Mallig Plains Satellite Forensic Office upang isailalim sa laboratory examination.
Habang ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.
Kaugnay nito, pinasalamatan ni PCol. Manuel Bringas, Acting Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO ang maagap na pagresponde at pagkahuli ng suspek. (REY VELASCO)