Home NATIONWIDE Sindikato ng illegal online gambling sa bansa, ipinagigiba

Sindikato ng illegal online gambling sa bansa, ipinagigiba

292
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ang pro-consumer group na CitizenWatch Philippines sa gobyerno na magpakita ng mas matibay, mabilis, at nagkakaisang na aksyon laban sa talamak na illegal online gambling sa bansa.

“Panahon na para sabay-sabay na kumilos ang lahat ng ahensya at tapusin ang operasyon ng mga sindikatong nakapipinsala sa lipunan,” ani Orlando Oxales, convenor ng CitizenWatch.

Unang tinukoy ni Oxales ang inaasahang agarang pagkilos ng Department of Information and Communications Technology at ng National Telecommunications Commission para harangin ang access sa illegal online gambling sites.

Iginiit din niya na tungkulin naman ng National Bureau of Investigation at ng Department of Justice na magsampa ng mga kaso laban sa mga operator na nasa likod ng mga ipinagbabawal na operasyon.

Dagdag pa niya, kailangang aktibong kumilos din ang Philippine National Police para hulihin ang mga sangkot at buwagin ang mismong sindikato.

Ginawa ng grupo ang kanilang pahayag base na rin sa artikulo ni Atty. Marie Antonette Quiogue tungkol sa limitadong kapangyarihan ng Philippine Gaming and Amusement Corporation (PAGCOR) sa pagsawata sa illegal online gambling. Ayon sa abogado, tanging regulasyon lamang ang hawak ng PAGCOR at nasa NTC, NBI, DOJ, at PNP pa rin ang enforcement.

Ayon sa PAGCOR, mayroong 250 hanggang 300 illegal offshore gambling firms na nag-o-operate sa bansa, o lima hanggang anim na beses na mas marami kaysa sa licensed gaming operators. Dahil dito, tinataya ng Department of Finance na di-bababa sa P100 bilyon kada taon ang nawawalang kita ng pamahalaan.

Ikinababahala rin ng mga awtoridad na ang patuloy na paglago ng ilegal na operasyon ay nagdudulot ng mga isyu tulad ng human trafficking, financial scams, at iba pang krimen, na naglalagay sa panganib sa integridad ng ekonomiya at seguridad ng bansa.

“Habang tumatagal na malaya ang operasyon ng mga sindikato, mas lumalalim ang pinsala sa ating bansa,” babala ni Oxales.

Aniya pa, ang panawagan ng kanilang grupo ay hindi lamang para protektahan ang mga mamamayan kundi para tiyakin ang seguridad ng bansa at patatagin ang ekonomiya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here