BATANGAS- KARUMAL-DUMAL ang sinapit ng isang ginang na solo parent at person with disability matapos patayin sa sakal, pinagputol-putol ang katawan saka sinunog sa ulingan sa mag-live in partner na kaanak sa harap mismo ng 11-anyos na anak ng una, iniulat kahapon sa bayan ng San Juan.
Kinilala ang biktimang si Mary Jane Delos Reyes, 33, at residente ng Sitio Centro, Brgy. Barualte, San Juan, Batangas.
Nadakip naman sa follow-up operation ng San Juan Police Station ang mga suspek na kinilalang sina Arcangel Patal, 45, at kinakasam nitong si Teodora,” 53-anyos, kapwa nakatira sa nasabing lugar.
Bago ang krimen, unang napaulat na nawawala ang biktima noong Disyembre 17, 2024, pero kalaunan sa kabila ng trauma na nasaksihan ng 11-anyos na anak ng biktima nagawa nitong magsumbong sa kanyang tiyuhin na si Maryjune, 27, hinggil sa nasaksihan nitong karumal-dumal na krimen sa ina.
Kwento ng anak, nakita niyang sinakal ang kanyang ina ng mga suspek saka pinagpira-piraso ang katawan at dinala sa ulingan saka doon sinunog.
Kinabukasan, Disyembre 18, agad naman nagtungo sa himpilan ng pulisya ang kapatid ng biktima para pormal na magsampa ng kasong murder laban sa mga suspek na nagresulta sa pagkakadakip sa mga ito.
Napag-alaman, nasaksihan umano ng biktima ang ginawang pagbaril-patay ng suspek sa kanilang kapitbahay na isa sa mga motibo sa krimen./Mary Anne Sapico