MASAMA ang loob ni Mayor Joy Belmonte dahil siya ang sinisisi ng taumbayan nang bumaha sa Quezon City noong kalakasan ng ulan samantalang ang kanyang mga kaalyado sa pulitika ay kasama sa mga iniimbestigahan sa mga palpak at “ghost” flood control projects.
Dahil sa pangyayari, itong si Mayor Belmonte ay nag-imbestiga kaugnay sa palpak na flood control projects sa kanyang lungsod kung saan natuklasan na may nakalaang malalaking pondo para sa mga proyekto nitong mga mambabatas ng lungsod.
Ang masaklap, inakusahan itong si Belmonte nang panlalaglag sa kanyang mga kasama o kaalyado sa pulitika kaya galit sa kanya sapagkat feeling nga ng mga mambabatas na ito ay inilaglag sila ng kanilang mayora.
Mabuti na lang mahusay mag-isip itong si Belmonte kung kaya mabilis na bumuwelta sa mga mambabatas ay nagsabing “ako nga dapat ang masama ang loob sa kanila dahil hinayaan nilang magkaroon ng mga palpak na flood control projects tapos ako ang sinisisi ng taumbayan nang magkaroon na ng baha.”
“Ako ang inilaglag nila,” ayon sa alkalde. “Iyon ang feeling ko kasi nagtrabaho ako at humingi ako ng tulong sa kanila at hindi nila ipinaalam na mayroon pala silang ganitong klaseng mga pondo na pwede sanang ilaan sa pakikipagtulungan sa lungsod para magkaroon ng maayos na kasagutan o kalutasan sa problema ng baha.”
Inihayag ni Belmonte ang kanyang personal na sentimyento at sinabing “mayroon namang maayos na plano pero bakit hindi pinagtulungan since magkakaalyado pa naman tayo.”
Sabi ng mga tao kay Belmonte, bakit niya inilaglag ang kanyang mga kasama gayung magkakaalyado sila. Pero matalas ang sagot naman nitong alkalde na iyon nga, magkakaalyado sila pero hindi naman dumaan sa kanya ang proyekto na dapat sana bilang “ina ng lungsod” ay nagpasintabi sa kanya at ibinahagi ang proyektong may malaking pondo na kaugnay sa pagbaha.
At kwestyon ni Mayora na magkakaalyado pa naman sila, bakit hindi siya inimpormahan kaugnay sa pondo at proyekto at sa halip ay itinago sa kanya kaya naman ng pumalpak at nagkaroon ng pagbaha ay siya ang sinisi ng taumbayan.
Teka nga, pakaisipin sana ng mga mamamayan ng Kyusi, sino ang nanlaglag? Kanino?
Parang ang mga mambabatas mismo ng lungsod Quezon na sumabit sa palpak na flood control projects ang nanlaglag sa kanilang sarili dahil sa pagsolo ng pondong ibinahagi sa kanila para sa pagsasaayos ng baha sa kanilang nasasakupan.
Hindi na maitatanggi na lahat ng congressman ng QC ay naitalang nabigyan ng malaking halaga ng pondo para sa flood control.






