PARA sa sinomang nagdududa sa kasagraduhan ng EDSA Carousel para sa mga pampasaherong bus, handa ang Metropolitan Manila Development Authority na patunayang mali kayo.
Itinuturing nitong pinakabagong case study ang sports utility vehicle na may plakang “7” — inilaan para sa mga senador — na hinarang nitong Biyernes pero bigla na lang humarurot patakas bago pa man ito matiketan ng traffic enforcers.
Let’s cut to the cheese, este, chase. Lumantad na si Senator Chiz Escudero para amining sa kanya ang tumakas na sasakyan, kahit pa hindi siya ang nakasakay doon nang mga oras na iyon. Naniniwala ako sa kanya.
Masakit at nakadidismaya, gayunman, na sa lahat naman ng walang pakundangan, palpak, at hindi karapat-dapat na mahalal sa gobyerno para ating pagtiwalaan, ang respetadong senador pa ang bigla ngayong naging simbolo nang umiiral na kultura ng kawalang pananagutan kung saan ang mayayaman at makapangyarihan ay umaasang lagi silang may special treatment sa ating mga siksikang lansangan.
Kaugnay ng nangyari, isusuko ng butihing senador sa Land Transportation Office ang plakang gamit nang tumakas na sasakyan bilang pag-ako ng responsibilidad sa nangyari, bukod pa sa pahaharapin sa MMDA ang driver ng SUV para papanagutin sa mga naging paglabag nito.
Ipagbanduhan ang impluwensiya
Ang huling insidenteng kinasangkutan ng isang kaanak ni Interior and Local Government Secretary Benjamin C. Abalos Jr. ay isa pang textbook example ng pagiging entitled at kawalang-galang sa mga batas trapiko. Isang Jaz Abalos, na nahuling nagmamaneho ng isang illegal public transport vehicle, ang nagbanggit sa pangalan ng DILG chief upang makaiwas sa pananagutan.
Isa-isahin natin: expired ang rehistro, peke ang driver’s license, iligal ang pagbibyahe ng mga pasahero — at nang nahuli, ang isinagot lang: “Kilala mo ba kung sino ako?” Oo, ang malinaw lang, inaakala ng kamag-anak ng isang Cabinet secretary na ang koneksiyon nilang dalawa ay maglulusot sa kanya sa pananagutan ng kanyang ginawa.
Ipinakikita rito ang kakapalan ng mukha ng mga walang pagdadalawang-isip na magbanggit ng pangalan ng kanilang mga koneksiyon para malusutan ang batas. Kudos kay Secretary Abalos sa hindi nito pagkunsinti sa sariling pamangkin. Walang exempted sa batas, at walang pagbanggit ng pangalan o paghiram ng kapangyarihan na mag-iiwas sa sinomang indibiduwal sa pagharap sa kailangan nilang panagutan dahil sa kanilang pagkakasala.
Binabati natin ang MMDA sa matatag na paninindigan laban sa ganitong asal. Magsilbing aral sana ito: irespeto mo ang batas, hindi ang iyong mga koneksiyon.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).