MANILA, Philippines – Isang commuter group ang nagsabing nakatulong ng malaki ang mga kamakailang hakbang ng pamahalaan sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang maibsan ang hirap ng mga mananakay, lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.
Ayon sa Coalition of Filipino Commuters (PasaHero), ang pagsuspinde sa planong pagtaas ng pasahe ay nagbigay ng agarang ginhawa sa milyun-milyong mananakay at nakaiwas sa dagdag na gastos sa araw-araw na biyahe.
Sa pamamagitan ng pagsuspinde sa unang inihayag na dagdag-pasahe, ipinakita ng Pangulo ang kanyang malasakit sa paghihirap ng mga karaniwang mananakay na mas marami kaysa sa sektor ng transportasyon sa bilang, na may ratio na hindi bababa sa 16 pasahero sa bawat 1 drayber,” pahayag ni CFC (PasaHero) lead convenor Ira Panganiban.
Binigyang-diin ni Panganiban na ang mga commuter ang unang naapektuhan sa pagtaas ng presyo ng langis dahil direktang tumatama sa kanilang pang-araw-araw na gastos ang anumang pagbabago sa pasahe.
Iginiit din ng grupo na ang ganitong mga hakbang ay nakatutulong upang mapanatiling abot-kaya ang pamasahe, lalo na para sa mga pasaherong mababa at katamtaman ang kita na umaasa sa pampublikong transportasyon.
Ipinahayag din ng CFC (PasaHero) ang kahandaan nitong makipagtulungan sa sektor ng transportasyon upang makahanap ng pangmatagalang solusyon na magbabalanse sa pangangailangan ng mga drayber at commuter.
Nauna nang iniutos ni Pangulong Marcos ang pagsuspinde sa planong taas-pasahe upang maprotektahan ang mga mananakay laban sa epekto ng tensyon sa Middle East.
Noong Martes, pinangunahan din ng Pangulo ang paglulunsad ng fuel subsidy para sa public utility vehicles (PUVs) sa ParaƱaque Integrated Terminal Exchange bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng langis.
Sa ilalim ng P2.5-bilyong Fuel Subsidy Project ng Department of Transportation (DOTr), makatatanggap ng P10,000 bawat unit ang mga bus operator at P5,000 naman ang mga drayber upang makatulong sa gastos sa krudo.
Nagpatupad din ang pamahalaan ng iba pang hakbang tulad ng libreng sakay sa piling ruta ng bus at diskwento sa pamasahe sa tren upang matulungan ang mga commuter na makayanan ang pagtaas ng presyo ng langis. (KRIS JOSE)