Home NATIONWIDE Siphoning ops sa MT Terranova, matatapos na sa lalong madaling panahon –...

Siphoning ops sa MT Terranova, matatapos na sa lalong madaling panahon – PBBM

MANILA, Philippines – TINIYAK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko na matatapos na sa lalong madaling panahon ang siphoning operation para sa lumubog na motor tanker na Terranova.

Inihayag ito ng Pangulo sa isinagawang distribusyon ng presidential aid sa mga mangingisda at kanilang pamilya na apektado ng oil spill sa General Trias, Cavite.

“Masaya akong ibinabalita na matagumpay na nating napigilan ang pagtagas ng langis mula sa mga barkong ito, partikular ‘yung Terranova, nang hindi na ito makapinsala sa ating kalikasan,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati.

“Nasimulan na rin ang ating operasyon para sa tuluyang pag-recover ng langis mula sa nasabing barko at inaasahang [matatapos] natin ito sa lalong madaling [panahon],” aniya pa rin.

Nauna nang sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na mahigit sa 574,000 litro ng langis ang nakolekta sa gitna ng siphoning operation.

Isang crew member ang namatay habang 16 na iba pa ang nailigtas nang bumaligtad ang MTKR Terranova at lumubog sa 3.6 nautical miles silangan ng Lamao Point noong Hulyo.

Bitbit nito ang 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil nang mangyari ang insidente.

Tinuran ni Pangulong Marcos na ang imbestigasyon sa insidente ay nagpapatuloy upang panagutin ang mga sangkot. Kris Jose