MANILA, Philippines – Pwedeng maging state witness ang kapatid ni dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo na si Shiela Guo, ayon sa isang opisyal ng Department of Justice (DOJ).
“Ako, ayaw ko naman pangunahan ano, pero qualified siya eh,” sinabi ni Justice Undersecretary Nicky Ty sa ambush interview.
“Kasi kung tutuusin mo, hindi naman siya ‘yung pinaka may pakana nitong illegal na bagay. Kung maniniwala tayo kahapon sa mga asta niya eh parang nadamay lang siya or napahamak lang siya ng mga kasamahan niya,” dagdag pa niya.
Sa kabila nito, iginiit ni Ty na ito ay isang posibilidad lamang.
“Madami pa talaga kailangan mangyari bago maging state witness ito. Kung mangyari man ‘yun,” pagbabahagi ni Ty.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng National Bureau of Investigation na si Shiela Guo ay isang Chinese citizen na ang pangalan ay Zhang Mier na “fraudulently acquired” ng isang Philippine passport.
Sa pagdinig sa Senado nitong Martes, inamin ni Guo na hindi siya ipinanganak sa Pilipinas kundi sa China at dumating lamang siya sa bansa noong 2001 nang dalhin ng kanyang amain para tumulong siya sa kanilang negosyo.
Samantala, paulit-ulit nitong itinanggi na alam niya ang patungkol sa operasyon ng ni-raid na POGO sa Bamban maging ang kinaroroonan ng kanyang kapatid.
Ayon kay Ty, aalamin ng DOJ at mga korte kung maaari itong maging state witness.
“Pag state witness ano ‘yan eh, kadalasan— dapat may kaso na. Dapat makasuhan siya at habang nakakasuhan siya madi-discharge siya on the ground that she will be a state witness,” anang opisyal.
Inirekomenda na ng National Prosecution Service (NPS) ang paghahain ng reklamo laban kina Guo at Cassandra Li Ong, ang authorized representative ng ni-raid na POGO hub sa Porac, Pampanga.
Ang inirekomenda nitong reklamong ihain laban kay Guo ay disobedience to summons na inisyu ng Senado at ang paggamit ng pekeng Philippine passport. RNT/JGC