MANILA, Philippines – Magpapatupad ng bagong patakaran ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pipigil sa renewal ng prangkisa ng mga sirang pampublikong sasakyan (PUV).
Ayon kay LTFRB Chair Vigor Mendoza II, layunin ng hakbang na ito na tiyakin ang maayos, ligtas, at komportableng transportasyon para sa mga pasahero.
“We will adopt a new confirmation process. Wala po tayong iko-confirm na prangkisa kung sira-sira ang sasakyan,” sabi ni Mendoza.
Ang reporma ay tututok sa inspeksyon at monitoring ng kalagayan ng PUVs, mula jeepneys, taxis, hanggang passenger buses. Binanggit ni Mendoza na may nakita siyang modern jeepney sa Visayas na may malaking butas sa sahig at ilang jeepneys sa Metro Manila na may punit at maruming upuan.
“We in the LTFRB are tasked by law to regulate public transport in the country, ensure roadworthiness, guarantee that only competent and well-trained drivers are behind the wheels of PUV vehicles, ensure the safety of our passengers, the efficiency of our transport system, and the comfort and convenience of our riding public,” dagdag pa niya.
Ang bagong patakaran ay tatalakayin ng board at opisyal ng LTFRB upang makabuo ng malinaw na gabay sa pagpapatupad nito. RNT/MND